Killer ng Surigao radioman dakip sa Caloocan
Nadakip ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang radio broadcaster ng Surigao del Sur anim na taon na ang nakaraan, nang magsagawa ng operasyon sa Caloocan City, iniulat ng pulisya.
Nadakip ang suspek na si Joel Sabatin Namoc nitong Martes (Agosto 18) sa Brgy. 185, sabi ni Chief Superintendent Victor Deona, officer-in-charge ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Isinagawa ng mga elemento ng 13th Regional Criminal Investigation and Detection Unit ang pag-aresto matapos ang isang taong surveillance at intelligence-gathering, sabi ni Deona sa isang kalatas.
Matagal nang pinaghahanap ng batas si Namoc para sa pagpatay sa radio announcer na si Godofredo Linao noong Hulyo 2009.
Nakalista ang suspek bilang isa sa mga most wanted person ng Surigao del Sur at may patong sa ulong P90,000, ani Deona.
Si Linao, residente ng Bislig City at disc jockey of 94.5 Magic Love FM Radio, ay pasakay ng kanyang motorsiklo sa tabi ng isang otel sa Barobo noong Hulyo 27, 2009, nang pagbabarilin ng dalawang lalaki.
Nagtrabaho din si Linao bilang commentator sa Radyo Natin ng Bislig City, sister station ng Magic Love FM, at minsa’y naging tagapagsalita din ni noo’y Surigao del Sur Vice Governor Librado Navarro.
Bukod sa trabaho ni Linao, sinilip ng pulisya ang mga personal na alitan at anggulong love triangle bilang mga posibleng motibo sa pagpatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.