10 sikat sa Bandera List | Bandera

10 sikat sa Bandera List

Ervin Santiago - June 10, 2014 - 03:00 AM

SA pagdiriwang ng unang anibersaryo ng BANDERA website (Bandera.ph), naisipan naming isa-isahin ang mga sikat na artistang matindi ang impluwensiya ngayon sa mga Pinoy. Silang mga local celebrities –  sa kabila ng malilisyoso at iskandalosong mga balitang ikinakabit sa kanila – ay nananatiling matatag at patuloy na iniidolo ng masa.

Narito ang 10 sa kanila na waging-wagi sa BANDERA  LIST.


 KATHRYN BERNARDO AT DANIEL PADILLA
Walang duda, ang tambalang Kathniel na nga ang masasabing pinakasikat na loveteam ngayon sa Philippine showbusiness. Tinaguriang Teen King & Queen, hindi lang ang kanilang mga teleserye at pelikula ang tinatangkilik ng milyun-milyong kabataang umiidolo sa kanila, kundi pati na rin ang mga produktong ineendorso nila.

Kahit saan sila magpunta, nakakabingi ang tilian ng kanilang mga tagasuporta. Isang patunay na matindi na ang impluwensiya nila sa masang Pilipino. Sabi nga ng mga netizens, sila na ang  bagong Guy & Pip.


ANGEL LOCSIN
Marami ang nagsabi noon na malalaos lang si Angel sa paglipat niya sa ABS-CBN matapos maging reyna sa GMA 7. But she proved them wrong. Mas lalong lumaki ang kanyang pangalan sa mundo ng telebisyon at pelikula.

At muli niyang pinatunayan sa buong mundo ang husay niya bilang aktres sa kontrobersiyal at laging trending worldwide na The Legal Wife. Kaliwa’t kanan pa rin ang endorsements niya ngayon, isang senyales na maningning pa rin ang kanyang bituin.


MARIAN RIVERA
Hinirang na GMA Primetime Queen, siya na yata ang local celebrity na may pinakamaraming billboard (endorsmenment) ngayon sa kahabaan ng EDSA, bukod pa ‘yan sa dumarami pa niyang TV commercials.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang intriga at kontrobersiyang ikinakabit sa kanya, nananatiling matatag si Marian. At totoo ang mga komento ng mga dabarkads, nabura nang tuluyan ang kanyang maldita at suplada image simula nang pumasok siya sa Eat Bulaga at makipagsuguran sa iba’t ibang barangay kasama sina Wally Bayola, Jose Manalo at Paolo Ballesteros.


VICE GANDA  
Bawat salitang binibitiwan niya, bawat sayaw na pinauuso niya at bawat pang-ookray niya sa mga kilalang celebrities ay patuloy na pinag-uusapan at nagte-trending sa social media – ibig sabihin, kanyang-kanya pa rin ang titulong Phenomenal TV & Movie Star.

Sa kabila ng mga intrigang kinasangkutan niya, kahit na kabi-kabila ang mga kanegahang balita tungkol sa kanya, tuloy pa rin ang pagsuporta ng publiko sa kanyang mga proyekto. Bihira lang ang artistang minamahal pa rin ng mga tao kahit na nasusuong sa mga iskandalo.


COCO MARTIN
Napakalayo na nga ng narating ng tinaguriang Teleserye King ng ABS-CBN. Nagsimula bilang extra sa mga indie movie, masasabing isa na nga si Coco sa pinakamaswerteng artista sa mundo.

Kahit nga siya ay nagugulat kapag binabalikan niya ang kanyang pinanggalingan at iniisa-isa kung anuman ang meron siya ngayon. Pero deserving si Coco sa lahat ng tinatamasa niyang tagumpay ngayon dahil hindi rin biro ang hirap na kanyang pinagdaanan bago niya naabot ang kanyang mga pangarap.

Sabi ng marami, si Coco Martin ang maituturing na male version ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.


ANNE CURTIS
Sunud-sunod na kanegahan ang kinasangkutan niya nitong mga nakaraang buwan – kabilang na diyan ang naging “national issue” ng engkuwentro nila ni John Lloyd Cruz sa isang bar kung saan nagkaroon pa raw ng sampalan scene.

Pero tila wala itong epekto sa career ni Anne na sa kabila ng pagkakadawit sa matitinding intriga at kontrobersiya ay binigyan pa ng pagkakataon ng ABS-CBN na gumanap sa iconic at classic Pinay mermaid na Dyesebel na humahataw ngayon sa ratings game.

At isa pa rin siya sa local celebrities na may pinakamaraming TV ads at billboards sa bansa. Kaya napakaswerte ni Anne dahil sa kabila ng lahat, sikat pa rin siya.


KRIS AQUINO
Sa titulo pa lang na Queen of all Media, kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Lahat ng sabihin at gawin, naka-headline agad. Bawat kilos, pinagpipiyestahan kara-karaka sa social media.

Sabi nga nila, what Kris Aquino wants, Kris Aquino gets! Kaya hangga’t gusto niyang naka-headline ang pangalan niya, magagawa niya nang bonggang-bongga! At  sa ayaw at sa gusto ng kanyang bashers, mananatiling maingay ang pangalan ng presidential sister.

JOHN LLOYD CRUZ
Tagumpay si Lloydie sa pagpapapayat. Successful din daw ang ginagawa niyang pag-iwas sa alak. Healthy lifestyle na nga ang Box-Office King of Philippine Movies.

Kahit walang pinagkakaabalahang teleserye o pelikula ngayon, hindi pa rin nawawala ang kinang ng kanyang pangalan. Siya pa rin ang isa sa Filipino actor na may pinakamaraming box-office king title (meron siyang lima, ka-tie si Vic Sotto).

Maligaya rin ang boyfriend ni Angelica Panganiban sa kanyang professional at personal life dahil goodbye na siya sa mga pangit at negatibong balita. In fairness, positive vibes ngayon si Lloydie at kitang-kita ‘yan sa maaliwalas at fresh na fresh niyang itsura ngayon.


SARAH GERONIMO
Recording Queen, Concert Queen, Box-Office Queen!  All in one! Tanging ang Pop Princess lang yata ang nakagawa ng ganyan sa history ng Philippine showbusiness sa murang edad.

Siya rin ang kauna-unahan at tanging Filipino singer na nanalo sa World Music Awards para sa Best-Selling Philippine Artist. Kaya ano pa ba ang masasabi natin sa tagumpay na tinatamasa ni Sarah Geronimo?

Kaya sa mga nagdidiva-divahan diyan, marami pa kayong dapat patunayan bago n’yo mapatumba si Sarah. And take note, winner na rin siya ngayon sa lovelife!


VIC SOTTO
Tinaguriang Bossing ng bayan. Sa pangalan pa lang mahirap nang lagpasan o pantayan man lang ang achievements niya sa larangan ng pelikula at telebisyon.

Sa mahigit tatlong dekada niya sa industriya, hindi na mabilang ang nagawa niyang pelikula at TV show. Sila lang ni John Lloyd ang may limang box-office king title sa history ng pelikulang Pilipino. Isa rin siya sa iilang local artists na malayang nakakapagtrabaho sa ABS-CBN, GMA  at TV5.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

At ang pinakamahalaga sa lahat, hindi lang siya nagbibigay saya sa mga Pinoy mula Aparri hanggang Jolo, kundi naging instrumento na rin siya at ang buong tropa ng Eat Bulaga para makatulong sa mga kapuspalad nating dabarkads.

( bandera.ph file photo )

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending