Ted Failon sumugod sa barangay para sa ‘Kapamilya Day’
KATULAD ng ginagawa niya tuwing alas-8 ng umaga, nagbalita para sa kanyang boardwork si Ted Failon noong Marso 31 para sa programang “Failon Ngayon” sa DZMM TeleRadyo.
Ang pagkakaiba lang, hindi sila sa loob ng radio booth naghatid ng serbisyo ng co-anchor na si DJ Chacha. Sa halip ay sumugod sila sa Brgy. San Dionisio sa Parañaque at nakisalamuha sa mga tagaroon.
Sina Ted at Chaha ang pang-apat na umarangkada sa “Kapamilya Day” para maglibot sa iba’t ibang barangay sa Metro Manila at Mega Manila upang makapaghatid ng saya at public service bilang bahagi ng ika-10 anibersaryo sa telebisyon ng istasyon.
Una nang umarangkada sina Julius Babao at Bernadette Sembrano sa Sta. Ana, Pateros upang malaman ang mga saloobin at mga kinakailangan na tulong medikal ng mga residente ng lugar sa kanilang programang “Lingkod Kapamilya.”
Sa “Kapamilya Day,” mas personal na naihahatid ng mga anchor ang mga balita at public service at nakakapagpokus sa mga komunidad, dahil doon mismo nila isinasagawa ang mga programa na ineere sa TV at radyo live via satellite.
Ang “Dos Por Dos” partners na sina Anthony Taberna at Gerry Baja naman ay sa harap ng isang sari-sari store sa Brgy. 162 sa Pasay City ginawa ang kanilang mga panayam at kasamang kumain ng chichirya ang mga residente noong Marso 17.
Layunin nito na bigyang atensyon din ang mga dapat aksyunan sa mga binibisitang komunidad. Sa Brgy. Molino 2, Bacoor, Cavite noong Marso 24, pinag-usapan ang problemang pangtrapiko ng probinsya nina Karen Davila at Vic Lima sa “Pasada Sais Trenta.” Dito agad-agad natugunan ang problema sa pagtatagpo ng lokal na gobyerno, ang Cavite Road Safety Division, at ng mga lokal na PUV drivers sa programa.
Bukod pa riyan, hatid ng DZMM ang iba pang bonding activities para sa mga Kapamilya. May Zumba sessions at pa-parlor games kasama ang “Mismo” anchor na si Ahwel Paz. At sa bawat lugar, may public service na hatid ang himpilan, kagaya ng medical mission sa Pateros, livelihood seminars para mapagkakitaan ng mga residente tulad ng tocino-making, massage services, at marami pang iba.
Kaabang-abang din ang mga papremyong ipinamimigay at ang birthday blowout para sa mga residenteng may kaarawan. Patuloy na maghahatid ng tulong at public service sa mga Kapamilya ang “Kapamilya Day” upang maipadama ang taos-pusong malasakit at pasasalamat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.