Biyaheng Aurora: Huling hirit sa tag-init | Bandera

Biyaheng Aurora: Huling hirit sa tag-init

John Roson |June 19,2016
facebook
share this

Biyaheng Aurora: Huling hirit sa tag-init

John Roson - June 19, 2016 - 04:51 PM

travel uli

 

KILALA ang Aurora bilang isa sa mga lalawigang madalas tamaan ng bagyo, pero isa rin ito sa mga pinakamagagandang lugar sa bansa na maaaring bisitahin kapag tag-init. Marami nang nakarating sa makasaysayan at surfing spot pa na Baler, ngunit kaunti lang ang nangangahas dumayo sa mga lugar sa hilagang bahagi ng Aurora.

Kung mahilig ka sa kalikasan at kaya mong tiisin na pansamantalang mawalan ng “night life,” paraiso ang bayan ng Dipaculao. Matatagpuan sa Dipaculao ang kilo-kilometrong beach ng Brgy. Dinadiawan, na may malinaw na tubig at buhanging kasimputi’t halos kasimpino ng sa Boracay.

Unti-unti nang dumadami ang mga resort doon, pero tila mahina pa rin ito sa “radar” ng mga bakasyunistang mula Maynila at mas dinadayo ng mga taga-Cagayan Valley at ilang taga-Nueva Ecija.

‘Pacific Highway’

Bago marating ang Dinadiawan, dadaanan mo ang Dipaculao town proper at Brgy. Dibutunan, kung saan masisilayan ang Dicadi Highway na tinatawag rin ng ilan na “Pacific Highway.” Kung ang Pagudpud, Ilocos Norte, ay may Patapat Viaduct na may magandang view na nakaharap sa dagat, Dicadi Highway ang pantapat ng Dipaculao dito.

Pinakamagandang bahagi na marahil ng Dicadi Highway ang parte na nakadikit sa Ampere Beach, kaya kung hahanapin mo sa internet ang Dipaculao ay tiyak na may larawan nito na lalabas. Ang naturang kalsada ay nasa gitna ng kabundukan at mabatong dalampasigan ng Philippine Sea, ang bahagi ng bansa na nakadikit sa Pacific Ocean.

Makikita mo rin dito ang ilang malalaking rock formation na may maliliit na kuwebang pinamumugaran ng ibon.  Sa ganda ng view, huwag ka nang magtaka kung may makitang mga turistang nakahinto sa bahaging ito ng highway para kumuha ng litrato.

Paraiso sa gitna ng bundok at dagat

Pagkatapos ng Ampere Beach ay aakyat sa bundok ang highway. Nasa Dinadiawan ka na kapag nakita mo ang “view deck” sa bundok, kung saan maaaring tanawin ang mahaba at maputing beach ng barangay.

Pagbaba ng bundok ay sasalubungin ka ng unang resort at pasukan patungo sa Pinanindingan Falls.
Mula sa highway, limang minutong lakad lang sa dawagan at batis ay mararating na ang maliit na talon, na dinadayo dahil sa malinaw at malamig na tubig.

Iniluluwa ng batis ang tubig patungo sa dagat. Kung lalakad palayo sa bunganga ng batis ay makikita mo naman ang maraming rock formations ng Dinadiawan. Ang malalaking bato, na nasa ilalim ng “view deck,” ay kinabibilangan ng isa na hugis higanteng pawikan.

Kung matibay ang tuhod mo ay maaari mong maakyat ang mga bato para magpakuha ng larawan dito.
Sa kahabaan ng highway ay sunud-sunod na ang mga luma’t bagong resort, kung saan ka maaaring umarkila ng silid, kubo, o bahay mula P1,000 hanggang P4,000 kada gabi.

May mga resort na may “tindahan” kung saan maaaring makabili ng pagkain, tubig, kape, softdrinks, o alak kaya di mo na kailangang magbitbit ng marami. Maaari kang magpatulong sa staff ng mga resort para makaarkila ng bangkang magdadala sa iyo sa coral patches, kung saan puwedeng mag-snorkeling.

‘Gubat at bayan’

Lampas sa mga hilera ng resort ang Dinadiawan River Protected Landscape at ang Dinadiawan River.
Ang Dinadiawan River Protected Landscape ay mahigit 3,000-ektaryang gubat, kung saan matatagpuan ang ilang uri ng puno gaya ng tanguile, mayapis, white lauan, red lauan, at bagtikan.

Tahanan din ito ng mga usa, unggoy, baboy-ramo, at mga ibong kinabibilangan ng kingfisher at swiftlet.
Puwede mong matanaw ang kalawakan ng protected area sa Dinadiawan Bridge, kung saan maaaring huminto pansamantala para kumuha ng litrato.

Pagtawid mo ng tulay ay matatagpuan mo ang Brgy. Dinadiawan proper, na madalas mapagkamalan bilang hiwalay na bayan. Ang “bayan” na ito ang takbuhan ng mga turistang may mga pangangailangang di mabibili sa tindahan ng mga resort.

Mayroon ditong tatlong restaurant, isang gasolinahan, palengke, maraming tindahan, souvenir shops, isang paaralan, at sariling sports complex. Karaniwan itong hintuan ng mga bus at van na bumibiyahe papuntang Dinalungan, Casiguran, hanggang Dilasag, ang pinakahilagang bayan ng Aurora.

Kaya mo ‘to

Madali lang marating ang Dipaculao. Kung galing ka sa Maynila ay sasakay ka lang ng bus papuntang Baler, kung saan muli kang sasakay ng bus o van pa-hilaga. Maaari ka ring gumamit ng sariling sasakyan o umarkila ng van para dire-diretso at mas komportable ang biyahe.

Kung ganito ang gagawin, tiyakin lang na maingat ang driver at walang anumang problema ang sasakyan dahil may mga matarik na kalsadang dadaanan. Magsama ka na rin ng pamilya o barkada para mas masaya, tipid, at sulit ang biyahe.

Anim kaming magkakasamang bumisita sa Dipaculao at inabot lang ng P2,500 hanggang P3,000 kada tao. Isipin mo na lang kung 10 kayo o higit pa. Magdala lang ng tela o filter para sa gripo, dahil mula sa bundok ang tubig ng Dinadiawan. Uulan ng selfie, groufie, etc.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tulugan n’yo na ang mahahabang expressway at mga madadaanang lungsod, pero tiyaking gigising pagdating sa Pantabangan ng Nueva Ecija, at Maria Aurora, ang unang bayan ng Aurora na madadaanan sa highway. Kung sa mga lugar na ito pa lang ay di n’yo na matiis huminto para magpakuha ng litrato, paano pa kaya pagdating sa Baler at Dipaculao?

Tiyakin mong malaki ang bakanteng memory ang cellphone o camera mo. Magdala ka na rin ng power bank para tuluy-tuloy ang pagkuha ng litrato. Huwag alalahanin ang pag-upload ng mga selfie at iba n’yo pang larawan sa social media dahil napakalakas ng internet signal dito ng isa sa dalawang malaking telecommunications provider.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending