Aktres tablado sa mga kampanya dahil sukdulan ang kaartehan
SAYANG, talagang nakapanghihinayang, talagang sinayang ng isang female performer ang pagkakataon at oportunidad na sana’y kumita siya nang malaki sa kasalukuyang kampanya ng iba-ibang partido.
Madaling kumita ang mga artista sa ganitong panahon, dito lang sila bumabawi kung tutuusin, dahil ilang kanta at kaway lang ay malaking halaga na ang kapalit nu’n kumpara sa maghapon at magdamag na pagtatrabaho sa shooting at taping.
Pero kalat na kalat na kasi ang kaartehan ng nasabing female performer, sa mga fiesta pa lang ay nagkakaproblema na sa kanya ang mga promoters, kaya nang magsimula ang kampanya ay wala nang kumukuha sa kanyang serbisyo.
Tip ng aming source, “Magaling siya kung sa magaling, kinakabog niya ang maraming singers diyan, pero hindi lang naman kasi husay sa performance ang pinagbabasihan ng mga show promoters at talent coordinators.
“Ang kaartehan niya ang problema, marami siyang pinalulutang na kaartehan, gusto niyang mauna siyang isalang kahit hindi pa nakapagsasalita ang mga politicians.
“Minsan naman, ayaw niyang sumalang agad, gusto raw niyang pinakahuli siyang kumanta, siya raw dapat ang finale dahil siya ang inaabangan ng mga tao.
“Ang nakakaloka, kapag kumakanta na siya, e, puro silya na lang ang audience niya, nagbabaan na ang mga pulitiko, nag-uwian na rin ang mga tao, kaya parang siya na lang ang nanonood sa sarili niya at ang mangilan-ngilan sa audience,” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Kaya matumal siya ngayong eleksiyon, wala siyang mga raket na tulad nang dati, nadala na kasi sa kaartehan niya ang mga kumukuha ng mga artista at singers sa mga entablado de-kampanya.
“Aysus, Vito Cruz, Sta. Cruz, kilalang-kilala mo siya, kapatid na Bradly Guevarra, matutumbok mo nang wagas na wagas kung sino ang bumibida sa kuwentong ito,” pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.