Pacquiao asam pa rin ang rematch vs Floyd
HANGAD pa rin ni Manny Pacquiao ang rematch kay Floyd Mayweather Jr. tatlong buwan matapos na matalo ang Filipino boxing superstar sa pamamagitan ng unanimous decision sa labang ginanap noong Mayo 3 (PH time) sa Las Vegas, Nevada, USA.
Naniniwala rin si Pacquiao na siya dapat ang nanalo sa laban dahil naging mas agresibo siya kaysa kay Mayweather na halos tumakbo lamang sa laban.
“[I would] want to fight Mayweather in a rematch. I’ll be ready for that mentally and physically next year,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng Fightnews.com sa Tokyo, Japan kung saan ang kongresista buhat sa Sarangani Province ay naging bahagi ng Philippine delegation na ipinadala para sa 2019 FIBA World Cup hosting bid.
“He was running away all the time. I was making the fight by stalking him and believe that I deserved a victory,” sabi pa ni Pacquiao.
Nangako naman ang multi-division champion na magbibigay siya ng mas magandang laban sa ikalawang sagupaan nila ni Mayweather.
“I’ll show a better performance against him than in the first encounter,” sabi pa ni Pacquiao.
Sa ginanap na post-fight press conference matapos ang kanilang record-breaking title fight, ibinunyag ni Pacquiao na may iniinda siyang injury sa kanang balikat na nakaapekto sa kanyang paglaban.
Bumuwelta naman si Mayweather kay Pacquiao sa pagtawag dito na “sore loser” at “coward” dahil sa hindi nito pagtanggap ng pagkatalo.
Ang rematch sa pagitan ng dalawang boksingero ay malabo namang mangyari sa ngayon dahil nagsabi na si Mayweather na ang kanyang ika-49 professional fight na gaganapin sa Setyembre 12 laban kay Andre Berto ay ang magiging huling laban ng kanyang karera.
Ang pagpili naman ni Mayweather kay Berto, na natalo sa tatlo sa kanyang huling anim na laban, ay kinokonsidera naman ng mga boxing fans at experts na madaling kalaban para sa pound-for-pound king.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.