BUONG tapang na inakusahan ng Pinay OFW na si Nancy, hindi tunay na pangalan, ng kasong rape ang kanyang employer sa Jeddah, K.S.A.
Bukod sa rape, walang habas din itong sinaktan ng naturang amo dahil sa kaniyang pag-iyak.
Dahil sa matinding pananakit, nagdugo ang ilong at namaga ang mga mata ni Nancy. Hindi rin siya dinala sa ospital ng salarin na employer.
Gayunman, nakiusap pa rin ito sa amo na dalhin sa ospital sa pangakong hindi siya magsusumbong. At dinala naman siya sa ospital ng employer niya.
Ngunit nang makara-ting ng ospital, agad humingi ng tulong ang OFW. Humanap siya ng mga kababayang mapagsusumbungan sa ospital, na madali namang nakaabot sa isang grupo roon na tumutulong sa mga inaabusong kababayan, ang OFW Advocacy Group at sila na rin ang nagdala kay Nancy sa Philippine Consulate ng Jeddah.
Dahil sa mabilis na pagkilos ng naturang grupo at walang takot na pagsusumbong ni Nancy sa ginawang pagsasamantala ng kaniyang amo, agad ding inaresto ang suspek at kasalukuyang nakakulong ito.
Marami ‘anya silang ebidensiyang ipanglalaban sa abusadong employer at lahat ng iyon ay magagamit nila sa pagsasampa ng kaso laban dito.
Kahanga-hanga ang tapang, katatagan at tibay ng loob ni Nancy. Marami tayong mga kababaihan na pinangunahan na lamang ng takot at piniling ma- nahimik sa mga malalagim na sandaling ginawa ng kanilang mga employer.
Napakaraming mga kaso ng panggagahasa na hindi na nakaabot sa kaalaman ng mga kinauukulan sa Saudi Arabia, maging sa a- ting embahada o konsulado doon. At kahit sa kanilang mga kapamilya, pilit nilang itinago ang malagim na karanasan.
Ngayon mas mabilis na ang saklolong naipaaabot sa ating mga OFW. Alam din naman nila kasing maka- labas lang sila ng bahay ng abusadong employer, tiyak na may tutulong at tutulong sa kanila.
Kahit hindi pa natin kalahi, maraming mga OFW ang natulungan nila at dinala sa ating Philippine Embassy o Philippine Consulate ng Saudi Arabia.
Kailangan lang talagang buo ang loob ng sinumang mangingibang-bayan. Na kahit anong mangyari sa inyo, handa ninyong ilaban ang inyong mga karapatan, lalo pa ang inyong dignidad at kapurihan bilang isang babae.
Hindi rin naman bago sa ating mga kaalaman na kahit mga lalaki, pinagsasamantalahan din sa Gitnang Silangan.
Matutong magsumbong, huwag matakot dahil walang mangyayari sa inyo kung hindi kayo kikibo at habambuhay ninyong dadalhin ang napakasamang bangungot na yan na kinikimkim ninyo at kailangang ihingi ng katarungan.
Kahit papaano kung makapagsusumbong kayo, nabigyan na ninyo ng panimulang hustisya ang pang-aabusong ginawa sa inyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.