Chris Brown nagmura matapos hindi payagang makaalis ng Pinas
NAGMURA ang Amerikanong hip-hop star na si Chris Brown matapos namang ma-stranded sa Pilipinas dahil sa gulong kinakaharap sa isang maimpluwensiyang sekta.
Hindi pinayagang umalis ng bansa ang 26-na-taong-gulang na si Brown noong Miyerkules, isang araw matapos siyang mag-concert sa Mall of Asia (MOA) sa Pasay City dahil sa inihaing reklamo laban sa kanya ng Iglesia ni Cristo.
“Can somebody please tell me what the f*** is going on? I don’t know. I’m reading headline after headline. What the f***? What the f*** is going on,” sabi ni Brown sa isang video na ipinost sa kanyang opisyal na Instagram account na tinanggal na.
Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nag-ugat ang sigalot matapos hindi siputin ni Brown ang isang itinakdang concert sa Philippine Arena sa Bulacan noong Disyembre 31, 2014.
Sinabi ng Bureau of Immigration na dapat ay patunayan ni Brown na walang basehan na siya ay hindi makasuhan ng fraud bago siya payagang makaalis ng banss.
Pinag-aaralan na ng mga state prosecutor ang kasong inihain ng Iglesia laban kay Brown.
Kinuha ang video sa mismong hotel room ni Brown, na may mga lata ng softdrinks at mga chips na nakapatong sa ibabaw ng mesa,
Sa ikalawang video, iginiit ni Brown na wala siyang ginawang masama habang nakataas ang dalawang kamay.
“I didn’t do nothing,” sabi ni Brown.
Pagkatapos ay nag-break-dance si Brown sa harap ng isang higanteng flat screen television na nagpapakita ng mga computer games.
Iginiit naman ni Bureau of Immigration spokeswoman Elaine Tan na hindi pa nakakaalis ng Pilipinas si Brown taliwas sa mga napaulat sa US na nakaalis na siya papuntang Hong Kong.
Ayon sa mga opisyal ng airport, nananatiling nakaparada ang kanyang private jet sa hangar.
Magkahalo naman ang reaksyon ng mga netizen sa nangyaring pagharang kay Brown.
“Pay your debts, estafa (fraud) boy,” sabi ni Erwin John Antonio Capili (threetothehead7) sabi niya sa isang Instagram post.
“You might as well go to Palawan, while you’re still here. Enjoy the beaches we have,” ayon naman kay Rach Mapa (rachelismbebe).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.