GANYAN ang politika sa bayan ng San Roque.
Nagsayaw ang pilay at nakinig ang bingi (huwag na yung nanood ang bulag dahil hindi na bulag ang mahihirap na isinakay sa tsubibo noong impeachment).
Kung sa mga na-barik ng Batangas, mahirap ipaliwanag sa pitong lasing at malabo pa sa sabaw ng pusit.
Kung sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal, muling sariwain at pulutin na lang ang mga ha-ha-ha ng mga kabanatang Si Tasyo,
Ang Baliw o Ang Pilosopo, Ang mga Sakristan, Si Sisa, Si Basilio.
Madali namang tuntunin yan dahil parang naglalakad lang sa magkakasunod na kanto, na siya namang ginagawa ng arawang obrero, tulad ni Mang Domeng, makatipid lamang sa pasahe sa tricycle (habal-habal sa Mindanao), na mas mataas pa sa presyo ng gasolina’t krudo at pasaheng itinakda ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board kung maningil.
Para kay Rep. Teddy Casino, sakmal ng takot na maging Department of Inferior and Liberal (Party) Governance ang Department of Interior and Local Governments ngayong kinasiyahan na ng Ikalawang Aquino ang pamumuno ni Mar Roxas (sige na nga).Ano ba ang gagawin ni Roxas sa DILG, na nag-umpisang technorat ni Gloria Arroyo? Ano ba ang alam ni Roxas sa mga barakong gobernador at mayor, mga komprador at asendero, mga lord (jueteng at drug lords) para niya itimon
ang DILG?
Hindi Paskong sasapit (sa ayaw at sa hindi) ang naaamoy ni Casino, na ngayon ay walang pakialam kung bakit sinisi ni Jose Maria Sison ang di paghuhukay sa Laguna de Bay bilang sanhi ng baha nang rumagasa ang habagat, baha na tumagal hanggang ngayon sa mga bayang kabilang sa labi ng bibig ng lawang pinamangkaan nina Crisostomo Ibarra, Maria Clara at mga dalagang nangarap sa ilalim ng bilog na buwan at nagkurutan habang nakatingala mula sa pusod ang buwaya.
Nahihintakutan si Casino na politikahin ni Roxas ang local government units para manalo ito sa eleksyong panguluhan.
Bilang pangangatog ng tuhod, sinabi ni Casino na “We dread the day that the DILG will be converted into the Department of Inferior and Liberal (Party) Governance.
May katuwiran, at pruweba, si Casino, mula sa memorya.
Pakli ni Roxas nang malugod na tanggapin ang paghirang bilang kalihim ng DILG habang hindi pa nakukumpirma ng Commission on Appointments:
“Napakalaki, napakalawak, napakaselan at mabigat ang responsibilidad ng pagiging Kalihim ng DILG. More than this, I have big shoes, or big tsinelas, to fill.
Hindi po ako si Jesse Robredo. Kumpara sa kanya, marami po akong mga kakulangan.
Subalit maaasahan po na gagawin ko ang lahat, sa abot ng aking makakaya, upang bigyang respeto ang legasiya ni Sec. Jesse,” ani Roxas.
Kailangang tanggapin ang pangako ni Roxas, sa ayaw at sa gusto, dahil wala na ring magagawa.
Nang dahil sa “sobra-sobra” ang papuring iginawad kay Robredo, na mismong ang kanyang pamilya ay di nga makapaniwala, na kulang na lang ay iangat sa antas ng banal, mahihirapan si Roxas na tapatan ang paglilingkod ng tapat; paglilingkod na walang ere, kahambugan, hindi nagagalit, hindi arogante sa mabababang kawani.
Kung maaari ay mag-tsinelas din si Roxas, na mahirap para angkang Araneta, magbisikleta at maglakad ng nakayapak bilang deboto sa pananampalataya.
Ayon sa isang tagasuri ng politika, hindi “Robredo” si Roxas at hindi siya dapat nakakulong sa parisukat na Robredo.
Si Roxas ay si Roxas at may sariling kapasyahan at pag-iisip.
Malinaw, siya na nga ang unang tagapagtanggol ni Roxas sa labas ng Malacanang.
Tulad ng inamin ni Roxas, marami pa siyang dapat gawin.
Gawin mo na nang walang ingay at gawin mo na nang di kumukumpas sa mga pulong-balitaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.