Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Alaska Milk vs San Miguel Beer
(Game 2, best-of-seven Finals)
MATAPOS na tambakan ang Alaska Milk sa Game One ng best-of-seven PBA Governors’ Cup Finals, hindi nangangahulugang magiging madali na ang ruta tungo sa pagkuha ng kampeonato.
Alam ni San Miguel Beer coach Leovino Austria na magsasagawa ng karampatang adjustments ng kanyang mga katunggali sa kabilang kampo upang maitabla ang serye.
Kaya naman ibayong tikas ang kailangan ng Beermen sa paghaharap nila ng Aces sa Game Two ng serye mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sinimulan ng San Miguel Beer ang season-ending championship showdown sa pamamagitan ng 108-78 panalo kontra sa Alaska Milk noong Biyernes.
Hindi halos kinakitaan ng kakulangan sa paghahanda ang Beermen matapos na mangailangan ng apat na laro para talunin ang Rain or Shine sa semis na nagtapos noong Miyerkules.
Sa kabilang dako, malamya naman ang naging performance ng Aces sa series opener kahit pa mas mahaba ang pahinga at paghahanda nito matapos na mawalis sa semis ang Star Hotshots noong Linggo.
Sinabi ni Austria na nagulat siya sa dali ng panalong naitala nila sa Game One. “We did not expect this. Alam namin pukpukan kaagad ang Game One,” dagdag niya.
Inamin naman ni Alaska Milk coach Alex Compton na “outcoached” siya ni Austria at umaasa siyang makakabawi ang Aces mamaya.
Sa Game One ay dinaig ni Arizona Reid ng San Miguel Beer si Romeo Travis ng Alaska sa kanilang duwelo. Si Reid ay gumawa ng 32 puntos kontra sa 14 ni Travis na sa second half lang nagsimulang gumawa.
Apat na San Miguel Beer locals ang nagtapos ng may double figures sa scoring. Matapos na maisama ulit sa starting five, si Chris Lutz ay gumawa ng siyam sa kanyang 12 puntos sa first quarter upang pangunahan ang atake ng Beermen na nakalamang kaagad, 35-22.
Si June Mar Fajardo ay nagtala ng 18 puntos, 17 rebounds at tatlong blocked shots. Si Arwind Santos ay nagdagdag ng ng 15 puntos at siyam na rebounds samantalang si Alex Cabagnot ay nag-ambag ng 15 puntos at limang assists.
Nakatuwang naman ni Travis sina Sonny Thoss, Calvin Abueva at Dondon Hontiveros na nagtapos nang may double figures din sa scoring.
Ang iba pang inaasahang ni Compton na mag-deliver ay sina Cyrus Baguio, JVee Casio at top rookie Chris Banchero upang makatabla ang Aces.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.