PAGTATANGKAAN ng kabayong Court Of Honour na makakuha ng isa pang kampeonato sa pagtakbo ng third leg ng 2015 Triple Crown Championship bukas sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Nagwagi sa second leg ng serye ang kabayong sasakyan ni JPA Guce.
Sa mahabang 2,000m distansya itatakbo ang karera kung saan ang P1.8 milyon sa P3 milyong kabuuang premyo ang mapupunta sa kampeon.
Ang nakikitang karibal ni Court Of Honour ay si Sky Hook ni Pat Dilema na nanalo sa Erap Cup noong isang buwan.
Ang iba pang kasali ay sina Icon ni Jonathan Hernandez, Princess Ella ni Val Dilema, Dikoridik Koridak ni JG Serrano, Miss Brulay ni Kevin Abobo at Money Talks ni Jeff Zarate. Hindi sumali ang first leg champion na si Superv.
Sa ganap na alas-3:30 ng hapon lalarga ang karerang suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Samantala, magsisimula ngayon ang dalawang araw na pista sa Metro Turf. Tampok na karera ngayon ay ang Hopeful Stakes na gagawin din sa 2,000-metro distansya.
Magtatagisan dito ang mga kabayong Princess Meili, Dinalupihan, Gentle Strength, Jazz Wild, Pag Ukol Bubukol, Spicy Time at Tubbataha Reefs.
P1 milyon ang premyong paglalabanan at ang mananalo ay kakabig ng P600,000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.