TUMANGGAP ng pasadyang singsing si Donnie Nietes mula kay World Boxing Organization (WBO) president Francisco “Paco” Valcarcel bilang pagkilala sa kanyang husay bilang isang two-division WBO champion.
Ginawa ito sa weigh-in kahapon para sa gagawing pagdepensa ni Nietes sa suot na WBO light flyweight title kontra sa mandatory challenger na si Francisco Rodriguez Jr. ng Mexico ngayong gabi sa Waterfront Cebu City.
Ang 31-anyos na si Nietes ang ikalawang Filipino matapos ni Manny Pacquiao na tumanggap ng ganitong singsing at naihanay siya sa mga tinitingalang boxers na sina Oscar De La Hoya, Marco Antonio Barrera, Juan Manuel Marquez at Joe Calzaghe.
Ang pagpupugay ay tiyak ding magbibigay daan para magpursigi si Nietes para talunin si Rodriguez.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nasa Cebu para lumaban si Rodriguez at handa rin siyang ibangon ang puri nang tumabla lamang kay Jomar Fajardo.
“Nietes has never fought a Mexican boxer with my style,” nasabi ni Rodriguez na may 17-2-1, 11 knockouts karta.
Ngunit tila may problema si Rodriguez sa timbang dahil kinailangan niyang hubarin ang lahat ng damit para umabot sa 108 pounds.
Wala namang problema ang nagdedepensang kampeon na maabot ang paglalabanang timbang.
Ito ang ikalawang laban ni Nietes ngayong taon at ang una ay nangyari noong Marso at tinalo niya sa pamamagitan ng ninth-round knockout si Gilbert Parra ng Mexico.
Matapos ang sandaling pahinga ay nagbalik agad sa ensayo si Nietes para ideklara na rin niya na si Francisco ang magiging ika-12 Mexicano na kanyang tinalo sa laban.
Si Russel Mora ang magiging referee sa laban habang ang mga hurado ay sina Robert Hecko, Benoit Roussel at Lisa Giampa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.