Binay maipakukulong kaya bago ang eleksyon?
NGAYONG lider na ng oposisyon si Vice President Jejomar Binay, lantaran na ang kanyang pakikipag-away sa Aquino administration.
At sa ika-20 hearing ng Senate blue ribbon committee sa Hulyo 8, asahan na mas matin-ding bangayan ang mangyayari lalo pa’t hinamon ni Binay si Sen. Koko Pimentel na magpakalalaki at imbestigahan ang hinawakan niyang HUDCC.
Kamakailan, 10 senador ang pumirma sa sub committee report na nagrerekomenda sa Ombudsman na kasuhan si Binay ng plunder sa umano’y overpriced construction ng Makati City Parking Building II.
Sa hiwalay na balita, nagrekomenda rin ang isang panel ng Ombudsman ng kasong graft laban naman kay Makati Mayor Jun Jun Binay at iba pa.
Pero ang tanong ng mamamayan: maipapakulong kaya si Binay at kanyang pamilya bago ang eleksyon? At hindi na ito makapag-file ng kanyang certificate of candidacy sa Oktubre at magkandidato sa pagkapangulo sa Mayo 2016?
May track record na ang Aquino administration sa pagpapakulong kina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla kaugnay sa PDAF scam.
Ngunit ang tanong, kaya bang magbigay ng go signal si Aquino para maipakulong ang dating malapit na kaibigan?
Tulong-tulong na ngayon ang Anti Money Laundering Advisory Council (AMLAC ), Ombudsman, Court of Appeals at DOJ sa pagpapalabas ng freeze order sa mga Binay accounts at sa mga sinasabing dummies nito at sa patuloy na imbestigasyon laban dito.
Sa mga kontra kay Binay, naniniwala sila na dapat talagang makulong ito lalo’t walang piyansa ang kaso ng plunder. Pero, gagawin kaya ito ng Ombudsman sa mga susunod na buwan? May sapat na panahon ba ang Aquino administration (11 months) para ipakulong si Binay?
Ito ang mga posibilidad na legal subalit iba naman ang mga implikasyong politikal. Apat na buwan na lang ang natitira bago mag-Oktubre, ano ang magiging impact sa mga botante kung suspindihin muna ng DILG ang anak na si Mayor Jun Jun Binay? At pagkatapos, si VP Binay naman ang ikukulong ng Sandiganbayan kahit magkakaroon pa rin ng kwestiyon kung may bisa ang “immunity” ng incumbent Vice President tulad Kay PNoy. Pwede na rin bang idemanda si PNoy? Tuluyan na bang magiging “underdog” ang mga Binay at tuluyang makakuha ng simpatiya sa mga botante?
Sa paliwanag ng kampo ni Binay, sa korte na lang sila magkikita-kita sa mga alegasyon ng plunder. Hindi na sila sasagot sa blue ribbon committee dahil “one sided” nga ito.
Sa korte na lang raw nila haharapin ang dating vice mayor ng Makati na si Ernesto Mercado. Tandaan natin na inamin ng ngayo’y state witness na si Mercado ang pandarambong sa Makati at nagsoli pa ng pera na umano’y bahagi ng kinurakot nila ni VP Binay.
Masalimuot ang sitwasyon, lalo pa’t napakalapit na ng eleksyon. Sa wari ko, mas mauuna marahil ang suspensyon kay Mayor Jun Jun, pero maraming taon ang bibilangin bago magkaroon ng desisyon ang korte.
Isasabay dito ang pagmamadali sa nakabimbing kasong graft ni ex mayor at Mrs. Elenita Binay, na 15 taon na ang kaso sa korte.
Ano ang epekto nito sa halalan sa Mayo 2016 lalo’t anak at asawa ito ng kandidato sa pagkapangulo?
Sa panig ni VP Binay, tila dadaan sa butas ng karayom at matagalang pagsusuri ng Ombudsman ang kailangan para bumuo ng malakas na kasong plunder laban dito bago tuluyang maisampa sa Sandiganbayan.
Totoo, makakatulong ang Senate blue ribbon sub committee report ni Pimentel pero dadaan pa ito sa plenaryo ng Senado sa Hulyo at saka lamang ibibigay sa Ombudsman para pag-aralan.
At sa Ombudsman, maging sa Sandiganbayan, kailangang bigyang pagkakataon si VP Binay na sagutin ang bawat alegasyon ipinaparatang sa kanya. Isang proseso na mahaba at matagal dahil batbat ito ng mga kwestiyong legal.
Kung meron mang planong “shortcut” ang tanging makakaresolba lamang dito ay kung makukuha ng Liberal Party ang “go signal” ni PNoy na ipakulong si VP Binay bago mag eleksyon. Ito talaga ang inaabangan ko. Bibigay ba si PNoy sa “pressure” ng Liberal party at ni Mar Roxas na tuluyan nang ipakulong at alisin si Binay sa 2016 elections?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.