GANITO ang direksyon ng magkahiwalay na surveys na ginawa ng Pulse Asia at Social Weather kung saan nanguna si Senador Grace Poe sa presidential candidate, na sinundan ni Vice President Jejomar Binay, Rodrigo Duterte at Mar Roxas.
Ito ang unang pagkakataon na nawala sa unahan si Binay at ang pagsugod naman sa unahan ni Poe.
Oo nga at 11 buwan pa bago ang halalan pero marami pa ang posibleng mangyari.
Bagamat sa iba ay hindi naman accurate o tumpak ang dalawang “perception surveys” na ito lalot lumilitaw na ang mga taong tinanong ng dalawang survey firm ay 1,200 lamang o halos 20,000 katao ( margin of error +- .06%) lamang ay hindi masasabing sila na nga ang boses o kaisipan ng mahigit 52 milyong rehistradong botante.
Malaking hamon ito kay Poe, lalo’t dapat niyang ipakita ngayon sa bayan ang kanyang plataporma, kahit di pa siya deklarado, at kung ano ang gagawin niya kapag naupo siya sa Malacanang.
Kung ako ang kanyang adviser, dapat magpasiklab siya at sabihin ang mga plano niya laban sa kahirapan, unemployment, contractualization at mga isyu ng public transportation, presyo ng tubig at kuryente. Isama na rin ang K to 12, ang corruption sa Daang Matuwid na tiyak na lilitaw pag napalitan na ang administrasyon. Kakasuhan ba niya ang mga senador at kongresista na sangkot sa DAP at PDAF?
Magiging tunay ba siyang independent at hindi magpapadikta sa mga negosyante na nakapila para magbigay ng financial support? Ano ang gagawin niyang pambayad sa mga negosyanteng ito na nagtatanim ngayon ng utang na loob?
Bugbog sa krisis at sakuna ang bayan, kailangan natin ang pangulo na merong tunay na malasakit sa mga mahihirap na biktima; siya na may pakikiisa sa kanilang dinaranas at higit sa lahat, pinuno na katulad ni President to be Grace Poe na lulutas sa lahat ng problema ng bayan.
Sa totoo lang, ang pinakamahirap na trabaho ng pangulo ay walang iba kundi ang pagpili ng mga taong may tunay na kaalaman, tapat sa tungkulin, at hindi magnanakaw na siyang lalaman ng kanyang Gabinete.
Ang pangulo ang pipili ng 5,000 katao upang magsilbi sa mga sensitibong tanggapan ng gobyerno, at siguradong ngayon pa lang marami sa mga pwestong ito ang pinag-aagawan na ng mga nakapaligid kay Poe.
Kung si Pangulong Aquino ay bigong makumpleto ang 5,000 positions na ito gayong kulang isang taon na lang ang nalalabi bago ang kanyang pagbaba.
Talagang napakahirap ng trabahong pumili ng tamang tao sa mga sensitibong posisyon sa gobyerno. Kailangang matalas ang iyong pakiramdam laban sa mga nagpapanggap. Pero, sorry na lang sa mga nagsitakbo sa pagkapangulo at nanalo…pinangarap nyo yan.
Kaya nga advice ko kay President-to-be Poe suriin niyang mabuti ang nasa kanyang paligid, at patunayan sa mamamayan na meron siyang nalalamang kalutasan sa mga problema ng bansa.
Wakasan na ang mga “pakyut” dahil lugmok na sa kahirapan ang tao at naghahanap ng bagong lider na may ibibigay na solusyon at siya ang magiging panibagong problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.