Mark Neumann napalaban sa matinding aktingan sa Baker King
Ibang klase ang ipinakitang pag-arte ni Mark Neumann nu’ng Lunes nang gabi sa Baker King ng TV5. Bumalik sa Pilipinas mula sa Germany ang guwapong binata na walang-walang bitbit na talento sa pagganap.
Kaguwapuhan at pagsayaw lang ang naging puhunan niya sa Artista Academy kung saan siya napasama sa mga finalists, ‘yun lang, pero ngayon ay napatutunayan na ni Mark Neumann na hindi lang siya basta guwapong mukha sa mundong pinasok niya.
Totoong napag-aaralan ang tamang acting. Dahil sa pagtutok na ginagawa sa kanya ng TV5, pati na ni Direk Mac Alejandre, ay puwede nang ilaban nang sabayan ngayon ang tisoy na binata sa aktingan.
Bukod sa nakuha niya ang tamang emosyon ay isinalang pa siya sa Baker King sa milya-milyang dialogue. Garil ang kanyang dila sa ating wika pero nu’ng Lunes nang gabi sa mga makomprontasyong eksena ay pinatunayan ni Mark na may magandang nagiging produkto ang pagsisikap.
Ikaw ba naman ang bigyan ng eksenang siguradong susubok sa kakayahan mo, si Joonee Gamboa lang naman ang kaeksena niya, isang aktor ng entablado, telebisyon at pelikula na walang kakuwestiyon-kuwestiyon ang galing sa pag-arte.
Gumagaling na sa pag-arte si Mark, napakalaking hamon talaga para sa kanya ang pagbibida sa unang Filipino adaptation ng Korean novelang Baker King, kaabang-abang na ang kanyang mga eksena ngayon sa serye.
Tama ang komento ni Direk Mac Alejandre, hindi na basta guwapo lang ang kanyang bidang si Tak-Gu ngayon, puwede nang tawaging aktor si Mark Neumann.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.