ALAM mo ba?
Sa Kawit, Cavite ginagawa ang deklarasyon ng Araw ng Kalayaan ng bansa. At ang Kawit, Cavite noon ay tinatawag na Cavite el Viejo.
Noong 1630, itinayo ng mga Hesuita ang isang simbahan at inialay ito kay Maria Magdalena, kung saan hinango ang simbolikong pangalang Magdalo noong panahon ng mga Katipunero.
Bandera
Ayon kay Marcela Agoncillo, binisita siya ni Emilio Aguinaldo, ang unang pangulo ng bansa, sa kanyang tahanan sa 535 Morrison Hill sa Hong Kong upang ipatahi ang watawat ng Pilipinas.
Tinulungan siya ng pamangkin ni Jose Rizal na si Delfina Herbosa Natividad, at pitong- taong-gulang na anak nitong si Lorenza Agoncillo. Tumagal nang limang araw ang kanilang paggawa.
Sina Agoncillo at Natividad umano ang gumupit ng mga bituin, ang araw at ang kinalalagyan nitong tatsulok mula sa pinakamagandang satin na kanilang nabili sa department store sa Hong Kong.
Muli umano nilang tinastas ang kanilang ginawa dahil hindi pantay ang pagkakalagay ng sinag ng araw at hindi pantay ang layo ng mga bituin.
Dinala ni Agoncillo ang watawat kay Aguinaldo bago ito sumakay sa gunboat na “Mac Culloch” ng mga Amerikano.
Utang ng Loob
Sa Declaration of Independence, na ginawa ni Ambrosio Rianzares Bautista, noong Hunyo 12, 1898, nabanggit na ang kulay ng bandila ng Pilipinas—pula, puti, asul, ay kinuha sa kulay ng bandila ng mga Amerikano.
Pero sa talumpati ni Aguinaldo, na sinasabing isinulat ni Apolinario Mabini, sinabi nito na ang pula ay simbolo ng katapangan ng mga Pilipino, ang asul ay para sa pag-aalay ng buhay at hindi pagsuko sa mga kalaban, ang puti ay para sa pamamahala ng kanilang mga sarili at pagmamahal sa kapayapaan.
Ang tatsulok ay simbolo umano ng paraan ng paghimok ng Katipunan sa mga Pilipino na sumali sa kanila.Kung ang pula ang nakataas sa bandila, na-ngangahulugan umano ito na ang bansa ay nasa digmaan at ang asul sa panahon ng kapayapaan.
Pangasinan
Ang orihinal na bandila na iwinagayway sa Kawit ay dinala sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.Dinala umano ito ni Aguinaldo habang ang kanyang gobyerno ay tumatakas patungong hilaga pero nawala ito sa Tayug, Pangasinan.
Ang unang bersyon ng Pambansang Awit ay ginawa ng isang Pilipino sa Hong Kong. Pero ipi-nabago umano ito ni Aguinaldo kay Julian Felipe.
Isinama ni Felipe ang ilang bahagi ng Spanish Royal March na inaprubahan naman umano ni Aguinaldo. Ang komposisyon ay may titulong “Marcha Nacional Filipino,” na tinugtog ng bandang San Francisco de Malabon noong Hunyo 12, 1898.
Tula
Ang lyrics ng “Marcha Nacional Filipino” ay isinulat ng sumunod na taon. Nagsimula ito bilang isang tula na isinulat ni Jose Palma, ang nakababatang kapatid ni Rafael Palma.
Ang tula na may titulong “Filipinas” at inilathala sa rebolusyonar-yong pahayagang La Independencia noong Setyembre 3, 1899.
Ang staff ng La Independencia ay bumigkas ng tula habang tumutugtog ang “Marcha Nacional Filipino” na siyang naging pambansang awit ng ating bansa.
Ayon kay Julian Felipe, ang proklamasyon ng kalayaan ay naganap ng Linggo sa pagitan ng alas-4 hanggang alas-5 ng hapon. Pinayuhan ni Ambrosio Rianzares, tagapayo ni Emilio Aguinaldo, na basahin ang Act of Proclamation of Philippine Independence, katulad ng deklarasyon ng American Declaration of Independence ng 1776, mulal sa bintana ng kanyang bahay.
Sinundan ito ng pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas habang tinutugtog ang Pambansang awit.Nagsigawan naman ang mga nakasaksi ng “Mabuhay ang Kalayaan” at “Mabuhay si Heneral Aguinaldo.”
Dewey
Inimbita ni Aguinaldo si US Admiral George Dewey upang saksihan ang deklarasyon ng kalayaan pero hindi ito nakadalo.
Ipinadala niya ang kanyang kalihim na si Col. LM Johnson na siyang pumirma sa deklarasyon. Siya ang nag-iisang Amerikano na pumirma roon.
Bago bumalik sa bansa, inabisuhan ni Felipe Agoncillo si Aguinaldo na kunin si Mabini na kanyang tagapayo. Hindi magkakilala sina Aguinaldo at Mabini. Una silang nagtagpo noong Hunyo 12, 1898. Ipinasundo ni Aguinaldo si Mabini mula sa Pansol kung saan ito naghahanap ng lunas sa kanyang pagkaparalisa.
Anibersaryo
Ang unang anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ay ipinagdiwang sa Angeles, Pampanga. Sa okasyong ito ay ipinaliwanag ni Aguinaldo ang kahalagahan ng ating bandera.
Aniya: “That flag which was hailed by a people, anxious of freedom and deserving a better fate, made our independence a reality; it obliged us to preserve and defend it until death.”
“It imparts in us valor and unlimited endurance; it therefore requires sacrifices and now that we are provoked and compelled to fight, let us go forward with eyes fixed on that flag of the sun and three stars which cheers us up and guides us in the pursuit of our dearest ideals.”
Suwail
Ginamit ang bandera sa muling paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano. Ipinagbawal ng mga Amerikano ang paglalagay ng mga bandila ng Katipunan at ng bandera ng Pilipinas pero isang pari ng Iglesia Filipina Independiente ang sumuway sa utos.
(Hango sa Inquirer sa panulat ni Luisa T. Ca-magay, at isinalin sa Filipino ni Leifbilly Begas)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.