May K-to-12 o wala, dadami ang dropout | Bandera

May K-to-12 o wala, dadami ang dropout

Bella Cariaso - May 31, 2015 - 03:00 AM

NOONG Biyernes, binanatan ni Pangulong Aquino ang mga kumokontra sa K-to-12 program ng gobyerno.

Ang sinasabi ni PNoy, wala daw ginawa ang kanyang mga kritiko kundi batikusin ang mga programa ng pamahalaan.

Batid kaya ni Aquino na isa sa mga nangunguna para mapahinto ang implementasyon ng
K-to-12 program ay mismong si Sen. Antonio Trillanes IV na naghain pa ng petisyon sa Korte Suprema?

Iba siguro ang natatanggap na impormasyon ni Aquino kaya ganito na lang ang paninindigan niya na wala nang makakapigil sa implementasyon nito.

Wala naman kasing kwestiyon na maganda naman ang intensiyon ng K-to-12 program ng pamahalaan na nagsimula pa noong panahon ni dating pangulong Arroyo. Ang katanungan kasi ay ang kahandaan ng gobyerno na mapatupad ito nang epektibo.

Nagbabala rin ang ilang grupo na magresulta ito sa isang milyon na estudyante na magda-dropout dahil hindi kakayanin ang karagdagang dalawang taon sa high school.

Ang grupo naman ng mga guro, nanganganib din na mawalan ng trabaho dahil sa susunod na dalawang taon, walang papasok na mga estudyante sa college.

Minaliit naman ito mismo ni PNoy sa pagsasabing may nakahanda nang programa ang pamahalaan para matiyak na mabibigyan ng trabaho ang mga maapektuhang mga guro.

Alam kaya ni PNoy na kahit noong wala pa ang K-to-12 program ay napakaparaming mag-aaral na hindi nakakatapos ng elementarya, hindi nakakatapos ng high school at lalung napakaraming hindi nakakatapos ng kolehiyo?

Ngayon na nagdagdag pa ng dalawang taon sa high school, hindi magiging kataka-taka na mas marami pang magda-dropout sa high school.

Napakarami kasing mga mahihirap na Pinoy na hindi kayang paaralin ang kanilang mga anak, hindi kataka-taka na lalu silang mahihirapang maitaguyod ang kanilang anak sa pag-aaral.

Bukod pa rito, malaking katanungan din kung may sapat bang pasilidad para sa karagdagang dalawang taon sa high school.

Isyu rin kung may sapat na pagsasanay ang mga guro para ituro ang bagong korikulum sa ilalim ng K-to-12 program.

Kung tutuusin, napakaraming hamon na haharapin ang gobyerno para matiyak ang tagumpay ng K-to-12 program at hindi ito magresulta lamang sa mga out-of-school youth.

Imbes na batikusin ni Aquino ang kanyang mga kritiko, dapat na lamang niyang patunayan na may kakayahan ang DepEd na ipatupad ang ambisyosong K-to-12 program.

Inaabangan din ng lahat kung magpapalabas ba ng TRO ang SC para patigilin ang implementasyon nito sa harap ng napakaraming pagbatikos laban dito.

Kung hindi naman mapapahinto ito, magiging epektibo naman kaya ito para maihanda ang mga mag-aaral sa kanilang paghahanap ng trabaho.

Ang ipinagmamalaki kasi ng administrasyon, high school graduate pa lamang ay tiyak nang makakahanap ng trabaho ang mga nagtapos ng karagdagang dalawang taon sa high school.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Aabangan na lang natin ang susunod na kabanata hinggil sa implementasyon ng K-to-12 program.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending