Benefit show para kay Rico tagumpay, 3 anak todo pasalamat
Maagang dumating sa Zirkoh-Tomas Morato nu’ng Biyernes nang gabi si Tosca, panganay na anak ng music icon na si Rico J. Puno, dahil siya ang magbubukas ng palabas bilang handog sa kanyang ama.
Naging matagumpay ang benefit show para sa premyadong singer na katatapos lang sumailalim sa triple bypass operation. Nagdatingan ang kanyang mga tagasuporta, ang mga tagahanga ng singer na ilang dekada na ang binibilang sa mundo ng musika, punumpuno ang Zirkoh.
Bago nagsimula ang concert ay nagpasalamat muna ang tatlong anak ni Rico sa pamumuno ni Tosca, sinsero ang kanyang pasasalamat sa lahat-lahat ng nagtulung-tulong para mabuo ang isang malaking pagtitipong handog para sa kanyang tatay, pinuri niya ang mga kasamahang singers ni Rico na naglaan ng panahon at talento para sa isang kasamahang nangangailangan ng ayuda.
Grabe ang show, wala kang itatapon, panalung-panalo ang mga nanood dahil napakaraming performers na umakyat sa entablado. Maraming-maraming salamat sa busilak na puso nina Tirso Cruz III, Dulce at ang mahusay nitong anak na si David Ezra, Eva Eugenio, Lolita Carbon, Jessa Zaragoza at Vice-Governor Dingdong Avanzado, Tuesday Vargas, Dessa, Malu Barry, ang OPM Hitmen (Renz Verano, Richard Reynoso, Rannie Raymundo, Chad Borja) at ang napakahusay na tambalan nina Jose Manalo at Wally Bayola.
Harinawang magpatuloy ang paggaling-pagpapalakas ni Rico J. Puno para muli itong makapagsabog ng saya sa ating mga kababayan. Sa lahat ng mga singers na nagbigay-suporta kay Rico J. Puno, sa lahat ng naghandog ng panahon para sa music icon, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.