Jay-R, Karla, Jolina nangunguna sa YFSF
MATAPOS ang linggo-linggong tranformations para maging ka-face at ka-sound ng sikat na music icons, magbabakbakan sa huling pagkakataon ang walong celebrity performers ng Your Face Sounds Familiar ngayong weekend (Mayo 30 at 31) para sa kanilang huling pasabog na performances bago ang Grand Showdown.
Papangalanan na nga ang Final Four contenders na may pinakamalaking overall scores, at mula dito ay kukunin ang apat na siyang maglalaban-laban para sa mga boto ng publiko sa finale sa susunod na weekend.
Siguradong magiging mahigpit ang kanilang huling labanan lalo pa’t naging top scorers na ang lahat ng performers sa nakaraang mga linggo.
Tigdadalawang beses nang pinangalanang top scorers sina Jay-R (bilang Pepe Smith at Kenny Rogers), Karla Estrada (bilang Chaka Khan at Ann Wilson), at Jolina Magdangal (bilang Cher at Manny Pacquiao).
Samantala, naging top scorer din sina Nyoy Volante bilang Justin Bieber, Maxene Magalona as Francis Magalona, Melai Cantiveros bilang Elizabeth Ramsey, Edgar Allan Guzman as Vice Ganda, at Tutti Caringal bilang Ely Buendia.
Para sa kanilang huling bira, nakatakdang i-impersonate sa kanilang performances si Jay-R bilang si Enrique Iglesias, Karla bilang si Aretha Franklin, Jolina bilang ang batang Michael Jackson, Nyoy bilang si Luciano Pavarotti, Maxene bilang si Iggy Azalea, Melai bilang si Grace Jones, EA bilang si John Legend, at Tutti bilang si Mick Jagger.
Kaninong transformations at performances ang aangat? Sino ang apat na performers na magtutunggali sa grand showdown? Abangan lahat ‘yan sa huling bakbakan sa Your Face Sounds Familiar sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.