ATLANTA — Umiskor si Cleveland forward LeBron James ng 30 puntos para ihatid ang Cavaliers sa 94-82 pagwawagi laban sa Atlanta Hawks kahapon at kubrahin ang 2-0 lead sa NBA Eastern Conference Finals.
Ang Cavaliers, na hindi nakasama ang injured star na si Kyrie Irving, ay nakalayo sa pamamagitan ng dominanteng laro sa ikatlong yugto. Si James ay umiskor ng 11 puntos sa nasabing yugto habang ang Hawks ay tumira ng 32 porsiyento (7 of 22) at ang kalamangan ng Cleveland ay umabot sa 20 puntos.
Naging tambakan na ang laro sa huling dalawang yugto at ang huling iskor sa laban ay ang pinakamalapit na nakadikit ang Hawks kung saan ang mga backup players nito ang ginamit na sa court.
“You really can’t make me do what I don’t want to do,” sabi ni James. “I play the right way.”
Hindi pinaglaro si Irving sa Game 2 bunga ng pananakit ng kaliwang tuhog. Subalit kahit wala siya ay nagawang hablutin ng Cavaliers ang ikalawang sunod na panalo sa Atlanta at makuha ang 2-0 bentahe sa pagbabalik nila sa Cleveland kung saan sila ang magsisilbing host sa susunod na dalawang laro na magsisimula bukas.
Si James ang halos nagdadala ng bola sa laro kung saan sinamantala rin niya ang hindi magandang kondisyon ni Atlanta forward DeMarre Carroll na may iniindang masakit na tuhod.
At dahil may iniindang injury, hindi kinayang bantayan ni Carroll si James, na tumira ng 10 of 22 shots kabilang ang isang pares ng 3-pointers. Pinilit ng Hawks na kuyugin si James sa may lane at tulungan sa depensa si Carroll, subalit nahanap pa rin ni James ang mga kakampi na naging bukas sa 3-point stripe.
Nagtala rin si James ng 11 assists at siyam na rebounds para muntikang gumawa ng triple-double.
Ang Cavaliers ay tumira ng 12 of 30 field goals mula sa 3-point area. Si Iman Shumpert ay nagbuslo ng apat mula sa tres at nagtapos siya na may 16 puntos.
Pinamunuan ni Dennis Schroder ang Hawks sa itinalang 13 puntos. Si Carroll ay naglaro ng team-high 33:47 minuto at nakagawa lamang ng anim na puntos na mas mababa ng 10 puntos sa kanyang playoff average.
Bagamat nag-start sa laro si Carroll, na inilabas sa court matapos magkaroon ng injury dalawang araw na ang nakalipas, nawala naman sa kanyang laro ang tinaguriang “Junkyard Dog.”
Hindi lang si Carroll ang nahirapan sa laro dahil ang karamihan ng Hawks ay hindi nakaporma sa laban na nangyari rin sa ilang laro nila ngayong season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.