DAMAY na ang mga nurse na Pilipino na nasa United Kingdom matapos hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang kapwa Pinoy na si Victorino Chua dahil sa kasong pagpatay sa kaniyang mga pasyente.
Lalo pang nalagay sa alanganin ang mga Pinoy nurse sa UK dahil sumu-nod na rin ang isyu na pekeng dokumento ang isinumite nitong si Chua para makapagtrabaho sa ospital sa UK.
Tinagurian nilang diablo o demonyo si Chua ng pamilya ng kanyang mga biktima. Wala sanang epekto sa mga kapwa niya nurse ang mga taguring iyon, kaya lamang, may sablay dahil sa kontrobersiya ng fake documents.
Isang British journalist kasi ang nagsabi na madali lang kasi sa Pili-pinas ang makakuha ng mga pinekeng dokumento.
Nabibili lang ‘anya sa Recto, Manila ang mga pekeng diploma, certification at kahit na ano pang papel na hinahanap sa ibayong dagat.
Kaya naman todo depensa ngayon ang ating mga nurse sa UK. Siyempre nga naman, maaari rin silang pagdudahan na nagsumite sila ng mga pekeng dokumento.
Ngunit kahit ano pang gawin nila, talagang nalamatan na ang imahe ng ating magagaling na mga nurse. Tanging performance na lamang nila ang siyang magpapatunay na talagang lehitimo nga silang nurse.
Kung sakaling kukuwestiyunin naman ang kanilang mga credentials, labasan na lamang ng patunay na totoo at hindi fake ang kanilang mga sertipiko.
Ang Pinoy kasi damay-damay palagi. Kapag magaling, proud ang lahat, Pinoy kasi!
Kapag palpak, kahihiyan ng lahat, Pinoy nga naman kasi!
Tuluyan na ‘anyang iniwan si Madame ng kaniyang asawa nang ibinahay na nito ang Pilipinang naging kasambahay nila.
Ang hindi niya halos matanggap, nasa isang building lamang sila ng condo unit na tinitirahan ng kaniyang mister.
Dahil regular siyang mambabasa sa inquirer.net kung kaya’t nakita niya ang mga artikulo ng Bantay OCW at naisipan niyang sa amin humingi ng tulong.
Solo na ‘anya siyang nag-aasikaso sa kanilang tatlong anak. Palibhasa wala namang hanapbuhay sa kanilang bansa, at isang full-time mother, asa pa rin siya sa pinansiyal na suporta nito, ngunit wala na rin siyang kasambahay dahil ibinahay na nga ito ng kaniyang mister.
Nais niyang kasuhan ang Pilipinang kasambahay at kung posible ‘anyang madeport ito sa Pilipinas. Gayong may diborsiyo sa kanilang bansa, alam niyang gustong-gusto ng kaniyang mister ang kinakasamang Pinay at gagawa ‘anya ito ng lahat ng paraan para makasama ang OFW.
Pero kung madedeport ‘anya ang Pinay, kahit papaano, makakabawas ito sa mga sama ng loob niya, sakit ng dibdib at lungkot na idinulot sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.