Pacman naging mainitin ang ulo matapos operahan sa balikat | Bandera

Pacman naging mainitin ang ulo matapos operahan sa balikat

Ervin Santiago - May 18, 2015 - 02:00 AM

jinkee pacquiao

ALAGANG-ALAGA ngayon ni Jinkee Pacquiao ang asawang si Manny habang nagpapagaling ng kanyang balikat – mula raw sa pagpapaligo, pagbihis, pagse-serve ng pagkain at pagpapainom ng gamot ay si Jinkee lahat ang gumagawa.

Nag-sorry nga raw si Pacman kay Jinkee dahil alam nitong nahihirapan na ang kanyang misis sa pag-aasikaso sa kanya. Sa isang TV interview, sinabi ni Jinkee na handa niyang gawin ang lahat masiguro lang na maayos na maayos na ang kundisyon ng Pambansang Kamao.

“Sabi nga sa akin ni Manny, ‘Pasensya ka na at masyado ka nang napapagod dahil sa pag-asikaso sa akin.’ Sagot ko naman sa kanya na walang problema sa akin iyon.

Kahit na habang-buhay ko siyang asikasuhin at pagsilbihan ay okey lang dahil asawa ko siya at iyon talaga ang papel ko sa buhay niya.

“Hindi nga ba’t nagsumpaan pa kami sa altar na ‘in sickness and in health?’ Kaya obligasyon ko iyon bilang asawa niya. Tsaka, enjoy akong asikasuhin siya. Ngayon ko lang talaga naranasan ang tutukan siya ng bente-kuwatro oras.

Para lang naman nadagdagan ang inaalagaan kong bata sa bahay,” natatawa pang chika ni Jinkee sa interview ng GMA News TV.

Naging mainitin din daw ang ulo ni Pacman ngayon matapos ang kanyang operasyon, pero naiintindihan naman daw ito ni Jinkee, “Hindi siya mapakali minsan dahil ang sakit-sakit nga.

Kung ako nga, hindi naman ako naoperahan ay ramdam ko ang sakit ng operasyon niya, paano pa kaya siya, ‘di ba? “Kaya minsan mainit ang ulo niya kasi nga hindi siya sanay sa ganyang sitwasyon.

Hindi siya minsan makatulog kasi ang sakit-sakit nga raw. Naiintindihan naman namin ng mga anak niya ang nararamdaman niya. Kung hindi niya magawang makipaglaro ngayon sa mga anak niya tulad noon, okey lang kasi alam ng mga bata na may nararamdaman ang daddy nila.

“Pero may time na okey si Manny, yung wala siyang nararamdaman na masyadong sakit. Doon siya nakikipaglaro sa mga bata, lalo na sa bunso naming si Israel.

Feeling ko ay nilalabanan na lang ni Manny ang sakit para lang hindi siya nakikita ng mga bata na nasasaktan. Panay nga ang dasal ko sa Panginoon na bigyan Niya ng lakas si Manny dahil kailangan pa siya ng mga anak niya.”

Sa ngayon daw ay parang ayaw nang mag-politika ni Jinkee, baka raw tapusin na lang niya ang kanyang termino bilang vice-governor ng Sarangani Province. Ito’y para maibigay niya ang lahat ng kanyang panahon sa pamilya.

“Napansin ko kasi na noong maging public servant ako, medyo nabawasan ang panahon ko sa mga bata. Hindi tulad noon na marami akong time with them. May mga pagkakataon na hindi ko alam ang mga ginagawa nila.

“Lumalaki na sila at yung mga pagbabago sa kanila ang gusto kong masubaybayan. Kaya pinag-iisipan ko ng husto kung ituloy ko pa ba o hindi? Pag-uusapan naman namin ‘yan ni Manny,” mahabang paliwanag ni Jinkee.

Matigas din ang paninindigan ni Jinkee na tigilan na ni Manny ang pagboboksing dahil baka hindi lang ang balikat niya ang mapuruhan sa susunod, “Noon ko pa sinasabi sa kanya na tama na.

Ano pa ba ang gusto niyang patunayan, ‘di ba? Kung ako lang talaga ang masusunod, matagal nang nag-retire si Manny.
“Pero nasa kanya pa rin iyon, e.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero sana nga itong nangyari sa kanya, mas maunawaan niya ang gusto namin ng mga anak niya. Gusto namin siyang makasama nang mas matagal pa. Kaya sana nga ay tama na.

Hindi naman makakalimutan ng marami ang karangalan na dinala niya sa ating bansa sa mahabang panahon,” chika pa ni Jinkee.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending