Paalam, Amba Doy! | Bandera

Paalam, Amba Doy!

Susan K - May 13, 2015 - 03:00 AM

HINDI madaling tanggapin na wala na ang itinuring na matalik at mabuting kaibigan ng Bantay OCW na si Ambassador Domingo “Doy” Lucenario Jr.

Nakausap namin sa Radyo Inquirer si dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo at siya rin ay hindi halos makapaniwala sa balitang isa sa mga nasawi si Amba Doy sa helicopter crash sa Pakistan, kasama ang ilan pang mga dayuhan na kumakatawan din sa kani-kanilang mga embahada.

Ayon kay Romulo, isang malaking kawalan si Amba Doy sa Department of Foreign Affairs.

Aniya, si Lucenario ang instrumento kung bakit e-passport na ang gamit ng mga Pilipino sa ngayon.

Magkatulong umano nilang hinarap ni Amba Doy ang mga kontrobersiya at asuntong may kinalaman sa nasabing pasaporte na umabot pa sa Korte Suprema at nagawa nilang mapagtagumpayan.

Dahil kay Amba Doy ay napalitan ang sulat-kamay na pasaporte ng Pilipinas, na siyang dahilan kung bakit hirap na hirap ang mga manglalakbay at OFW.

Napakatagal sa pila ng immigration ang mga Pinoy na gumagamit ng berdeng pasaporte, pero dahil sa e-passport naging hassle-free ito.

Hinding-hindi rin umano makalilimutan ni Romulo si Amba Doy na isa sa mga bumuo ng kanyang team noong panahon ng kanyang termino sa DFA.

Ngayong araw ay sasalubungin niya nang personal sa airport ang pagdating ng bangkay ni Amba Doy, ang taong matagal niyang nakasama sa trabaho at itinuring na kapamilya.

Maging ang pamilya ni Secretary Romulo ay nalungkot sa pagkamatay ni Amba Doy.

Nakausap ko rin sina Rep. Roman Romulo at Mons Romulo na sinabi nilang mahal ng kanilang pamilya si Amba Doy.

Una namang nakilala ng Bantay OCW si Amba Doy noong nasa Hong Kong pa siya kasama ni Ambassador Victoria Bataclan, na ngayon ay nasa Belgium na.

Nakilala naman siya bilang napakasipag. Walang kapagod-pagod. At palaging may mga ngiti sa kanyang labi, na nagbabadya lamang na madali siyang lapitan at handang tumulong sa lahat ng panahon.

Mahal siya ng ating mga OFW sa Hongkong dahil wala siyang pinipili at lahat ay sinisikap niyang harapin at tulungan.

Ang totoo nga nito ay sa Hongkong ko pa nalaman na kasama si Amba Doy sa crash sa Pakistan.

Noong Biyernes ng hapon na iyon ay isang mensahe mula kina Stan Yumang at Ria Malapitan, mga DJ ng “Good Evening Kabayan” show sa Hongkong, ang aking natanggap.

Tanong nila: “Close po kayo ni Amba Doy, di ba Mommy Sue?”

Sagot ko: “Yes, bakit?”

Hindi ko pa noon nababalitaan ang aksidente at ang akala ko pa nga ay ibabalik siya sa Hongkong.
Tanong ko: “Maa-assign daw ba siya ulit diyan?”

Doon lamang nilang binanggit ang napakapait na balitang wala na nga si Amba Doy.

Masakit lalo pa sa mga mahal sa buhay ni Amba Doy ang hindi napapanahong kamatayan nito.

Pero tiyak ay naiibsan kahit paano ang kanilang kalungkutan dahil sa napakaraming nagmamahal kay Amba Doy.

Hindi ka man namin makakasama na ngayon, Amba Doy, ngunit umaasa kaming may pagkabuhay muli at doon ay muli kang makakapiling ng inyong mga mahal sa buhay.

Paalam po sa inyo, Amba Doy, hindi namin makakalimutan ang magagandang mga alaala at kabutihang ipinakita mo sa amin, sa Bantay OCW at sa milyon-milyon nating mga OFW.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending