May himala: Dasal ng mga Pinoy para kay Mary Jane dininig
Tinitipa namin ang kolum na ito ay kakambal namin ang paghikab nang madalas. Hindi pa kumpleto ang aming tulog, bumantay kami sa CNN, tumutok ang lahat ng kanilang reporters sa Indonesia dahil sa pagbitay sa siyam na bilanggong napatunayang may malalim na kaugnayan sa mga sindikato ng droga.
Isa sa siyam na ipa-firing squad ay ang kababayan nating si Mary Jane Veloso, isang manggagawang Pinoy na ayon sa kanyang deklarasyon ay inosente siya, isang nagngangalang Christine Sergio ang itinuturong tunay na salarin ni Mary Jane.
Nang ibigay na ng CNN ang listahan ng mga bibitayin ay halos lumundag ang aming puso sa sorbang kaligayahan, hindi napasama ang pangalan ni Mary Jane Veloso, walong bilanggo lamang ang ipa-firing squad dahil muling bubusisiin ang mga dokumento ng ating kababayang manggagawa.
Nakatulong diumano nang matindi sa kanyang kaso ang pagsuko ni Sergio, ito ang kanyang recruiter na sinasabing nagpadala sa kanya ng bagaheng naglalaman pala ng heroin, nabigyan ng isa pang pagkakataon si Mary Jane Veloso na patunayang hindi siya sangkot kundi biktima rin ng mga sindikato ng droga.
Naalala namin ang mga kababayan nating ilang araw nang nagbi-vigil sa harapan ng Indonesian Embassy, ang mga kababayan namin ni Mary Jane Veloso sa Nueva Ecija na nakabilad sa tindi ng sikat ng araw pero hindi pa rin nag-aalisan sa kanilang hanay, nagkaroon ng saysay at positibong resulta ang kanilang mga hiling at sigaw.
Isang napakalaking leksiyon at gabay ang hatid sa atin ng pinagdadaanan ngayon ni Mary Jane Veloso. Huwag basta-basta magtitiwala kahit kanino.
Pagmamagandang-loob ang ating hangad pero sa dulo pala ay tayo pa ang maiipit sa gitna ng laban. At magiging dahilan pa ng ating kamatayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.