Batang triathletes magpapakitang gilas sa Subic triathlon
HINDI lamang ang mga elite kundi maging ang mga triathletes edad 13-15 ang kukuha ng atensiyon sa gaganaping ASTC Subic Bay Triathlon Asian Cup na handog ng Speedo at Philippine Sports Commission (PSC) sa Subic Bay Freeport mula Abril 25 at 26.
Sa pulong pambalitaan kahapon na ginawa sa Passion Restaurant sa Resorts World Manila, sinabi ni Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco Jr. na ang mga kasali sa age-group na ito ang mga pagmumulan ng mga manlalaro para sa 2018 Youth Olympic Games.
“Ang mga batang ito ang siyang mga magiging pambato ng kani-kanilang bansa sa 2018 Youth Olympic Games sa Buenos Aires, Argentina. Ang mga panlaban natin ay ang mga Batang Pinoy medalists tulad nina Justine at Yuan Chiongbian ng Cebu at Nicole Eijansantos. Makakalaban nila ang mga bets mula Syria, Malaysia, Singpore at Uzbekistan,” wika ni Carrasco.
Sa mini-sprint ang karera at ito ay gagawin sa Sabado kasabay ng kompetisyon sa junior elite na kung saan nangunguna sa bansa si Jared Macalalad na nakasama sa Asian Federation team na binibigyan ng pagkakataong makapagsanay ng libre sa mga high-performance camp at sumali sa malalaking kompetisyon.
Dumalo rin sa pagtitipon sina PSC Commissioner Jolly Gomez at POC board member at gymnastics president Cynthia Carrion.
Nasa 600 triathletes, kabilang ang 80 dayuhan ang sasali sa dalawang araw na kompetisyon na suportado rin ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) bukod pa sa New Balance, Standard Insurance, Gatorade, Century Tuna, Harbor Point, Ayala Malls, Asian Center for Insulation, Subic Traveler’s Hotel at 2Go Express.
Ang highlight ng karera ay sa Linggo sa tagisan ng mga elite at ang Pilipinas ay ibabandera nina John Chicano, Deo Timbol at Fil-American lady triathlete Kim Kilgroe dahil ang mga pambatong sina Nikko Huelgas, Jonnard Saim, Kim Mangrobang at Claire Adorna ay nagsasanay sa ibang bansa para sa Southeast Asian Games.
Ang iba pang tumutulong ay ang East West Building Technology, Inc., Resorts World Manila, Camayan Results, Ocean Adventure, The Lighthouse Marina Resort, Seafood Island, OGIO, Omega Pro, Magaul Bird Part at Jestcamp.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.