Babala ni Mariel kay Robin: Pag nagkaroon siya ng isa pang asawa, goodbye na talaga!
PERFECT timing nga para kay Mariel Rodriguez ang bagong project na ibinigay sa kanya ng TV5, siya ang bagong makakasama nina Danica Pingris at LJ Alapag sa talkshow na Happy Wife, Happy Life.
Bukod daw kasi sa tuluy-tuloy na niyang pagmu-move on after her miscarriage, napakagandang opportunity din ang nabanggit na TV5 show sa “new phase” of her life.
“Eto na po ako ngayon, eh. Hindi na ako yung dating Mariel na host ng variety show o game show kasi ako na ito ngayon. Isang babaeng may asawa, may pamilya at nangangarap magkaroon ng sariling anak,” sey pa ng magandang TV host.
Sa dami nga naman ng maibabahagi niya sa show bilang isang maybahay, positibong karagdagan si Mariel sa Happy Wife Happy Life.
Medyo nakakaintriga nga lang ang pagkatsugi sa show ng dating co-hosts nina Danica at LJ, ang kontrobersyal na sina Jeck Maierhofer at RR Enriquez na pinalitan nga ni Mariel.
Pero sa pahayag naman ng executive ng TV5, sadya raw talagang hindi na nila ni-renew sa season 2 ang dalawa dahil naging malaking factor nga yung pagkakasangkot ng mga ito sa isang social media controversy.
Tuwing 10 a.m. mapapanood araw-araw sa TV5 ang Happy Wife, Happy Life dahil ipinagmamalaki ng tatlong hosts na kaya sila nasa programa ay dahil tunay at kumpirmadong mga masasaya silang asawa at homemaker ng kanilang pamilya.
Mayroon palang “deal” sina Mariel at Robin Padilla na kahit bago pa man sila magpakasal – tatanggapin daw ni Mariel ang anuman tungkol kay Binoe, mapa-relihiyon o paniniwala, ang pagmamahal sa Mindanao at iba pang may kinalaman sa kanyang mister – maliban sa pagkakaroon nito ng iba pang asawa bukod sa kanya.
“Ay, yun na talaga ang deal. Lahat keri kong tanggapin, maliban sa magkaroon ako na kasosyo sa kanya. Kaya if ever na magkakaroon siya ng babae, goodbye na talaga, wala ng paliwanagan,” ani Mariel na umaming isinuko na niya sa asawa ang lahat-lahat kaya ito na rin ang nagdedesisyon tungkol sa pagsasama nila.
Sumang-ayon naman ang mga co-hosts niyang sina LJ at Danica kay Mariel. Tsika ni LJ, “Ganu’n din ako. Kapag may iba na, goodbye na. Eh, bilang ang mga anak namin sa ngayon ang dahilan kung bakit mas solid kami ng asawa ko, kasama ko silang mag-aalsa balutan if ever mangyari iyan.”
Hirit naman ni Danica, “Goodbye! Yun lang!” Kaya nga nang may mag-usisa sa kanila kung ano ang masasabi nila sa mga “happy mistress na may happy life,” anila, “Hindi sila totoong happy and contented sa life kasi alam nila may nagulo at nasira silang pagsasama at pamilya. Hindi happy life yun, at mas lalong hindi sila happy mistress!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.