REKLAMO ng maraming mga magulang, ang titigas daw ng ulo ng kanilang mga anak.
Pahirapan umano kung mapasunod ang kanilang mga anak. Sapilitan at mas madalas ay kailangan pang pagalitan o di kaya’y may paluan pa bago pa magsisunod ang mga ito sa kanila.
Pero kumusta naman kaya ang mga anak na adult na? Kumusta naman kaya ang mga nakatatanda sa isyu ng pagsunod?
Tulad na lamang ng ating mga OFW.
Buhay na saksi ang Bantay OCW sa katigasan ng ulo ng ilan nating mga OFW.
Ang kanilang paulit-ulit na hindi pagsunod sa mga batas, babala at panawagan ng pamahalaan, na kung tutuusin ay para naman sa kanilang kabutihan.
Kailangan pa bang may last call, ultimatum o deadline para lamang himukin ang mga kababayan nating umuwi ng Pilipinas alang-alang sa kanilang kaligtasan?
Gaya nang naisulat natin kamakalawa, alam naman natin na iba na ang sitwasyon sa Yemen ngayon pero ayaw pa rin magsiuwi ang marami nating mga kababayan sa kabila ng mga panawagan ng ating gobyerno.
Simula pa noong Nobyembre 30, 2014, nagkaroon na ng deadline para sa registration ng mga Pilipinong nagnanais bumalik ng Pilipinas.
Ito rin ang unang pagkakataon na humingi na ang pamahalaan ng waiver sa ating mga OFW sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang mga text message na sarili nilang kagustuhan ang pagtanggi sa alok ng pamahalaan na umuwi na sila sa lalong madaling panahon.
Nitong Lunes, deadline na ng land evacuation sa Yemen. Ayon sa ulat, may 400 pang Pilipino na natitira sa Yemen ngunit 100 lamang ang kusang sumama upang umuwi ng Pilipinas.
Katwiran ng ating mga kababayan, nagpaiwan sila roon dahil sa kahirapan dito sa Pilipinas.
Ganyan palagi ang naririnig nating katwiran ng mga kababayan nating ayaw umuwi ng Pilipinas kapag nasa voluntary repatriation na (crisis alert level 3) at mandatory repatriation (crisis alert level 4).
Nangyari iyan sa Libya, Syria, Egypt, Lebanon, Middle East at marami pang mga bansang halos sapilitan ang pagpapauwi sa ating mga kababayan.
Kahit sa gitna ng gera at mga putukan, patuloy pa ring tumatanggi ang ating mga kababayan na huwag umalis at manatili doon sa kabila ng pagharap sa tiyak na kapahamakan.
Pero kumusta naman ang mga OFW na nakatapos na ng kanilang kontrata ng pagtatrabaho? Tulad na lamang sa South Korea.
Sa halip na umuwi sila, pipiliin nilang manatili at maging ilegal doon.
Pati programa ng pamahalaan sa pagitan ng Pilipinas at Korea nagkaroon tuloy ng lamat dahil sa katigasan ng ulo ng ilang OFW. Nawawala pati ang oportunidad sa iba pa nating mga kababayan na maranasan ding makapagtrabaho sana sa ilalim ng EPS o ang Employment Permit System ng Korea.
Kung matututo lamang sanang sumunod ang tao, kahit papaano, mababawasan tiyak ang problema ng tao sa mundo, habang nasa ilalim pa tayo ng bulok na sistemang ito na kinabubuhayan natin sa kasalukuyan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.