HINDI malayong tumaas ang interes sa larong fin swimming dahil sa planong isama ito sa mga sports na lalaruin sa 2015 Batang Pinoy.
Ayon kay project director Atty. Jay Alano, isinama na ang larong ito sa mga sports na paglalabanan sa taong ito upang umabot na sa 34 sports ang matutunghayan sa taong ito.
Ang fin swimming ay isa sa mga events na may maraming gintong pinaglalabanan sa SEA Games at kung makahikayat ng mas maraming partisipante sa bansa ay tiyak na makakatulong sa hangaring dumami ang medalyang mapapanalunan ng ipanlalabang pambansang delegasyon.
Idinagdag pa ni Alano na may iba pang sports ang nais na isama sa taong ito pero tinitingnan pa kung kaya pang ipasok dahil mahalaga rin na matapos ang mga aksyon sa takdang panahon.
Tulad sa mga nakaraang edisyon, may magaganap na regional eliminations at ang unang leg ay sa Malolos, Bulacan para sa Luzon na pansamantalang nakakalendaryo mula Hulyo 20 hanggang 25.
Ang Visayas leg ay gagawin sa Romblon City mula Setyembre 21 hanggang 26 habang ang Mindanao qualifying ay sa Koronadal City, South Cotabato mula Oktubre 24 hanggang 29.
Ang National Finals ay gagawin sa Cebu City mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2.
Ang mga sports na pasok na ay ang archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, beach volleyball, billiards, boxing, chess, cycling, dancesport, futsal, gymnastics, judo, karatedo, lawn tennis, muay thai, pencak silat, rugby football, sailing, shooting, soft tennis, softball, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, triathlon, volleyball, weightlifting, wrestling at wushu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.