Dating dyowa nina Kuya Ipe at Ariel pinaaaresto dahil sa kasong estafa
Nu’ng nakaraang Martes ay naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (Branch 160) ng San Juan City laban sa businesswoman na si Cristina Decena.
Ang kaso ay estafa, isang nagngangalang Teresa del Mundo ang naghain ng reklamo laban sa kanya, meron silang hearing nu’ng nakaraang Martes pero hindi sumipot sa korte si Cristina Decena o kahit ang kanyang abogado kaya naglabas ng bench warrant ang korte para hulihin siya.
Mahigit na tatlumpong milyong piso ang sangkot sa usapin, tungkol ‘yun sa kanilang transaksiyon ni Del Mundo na inisyuhan niya ng mga tseke, pero parang bolang tumalbog ang mga ipinambayad niya.
Hindi na bago para sa amin ang ganitong kuwento, napakaraming kasong estafa na hinaharap ang negosyanteng ito na dating nakarelasyon nina Phillip Salvador at Ariel Villasanta, pero ang nakapagtataka ay siya pa ang mataray sa kanyang mga panayam at nagsasabing siya ang naloko at hindi siya ang nangloko.
Hindi namin makakalimutan itong si Cristina Decena. Tatlong beses naming nasaksihan ang masinsinang pag-uusap nila nina Kuya Ramon at Kuya Ipe, narinig naming lahat-lahat ang mga pinag-usapan nila, pero nang magpainterbyu na si Cristina Decena ay puro kabaligtaran na ng kanilang mga pinag-usapan ang pinagsasabi niya.
Mula nu’n, kahit anong kuwento pa ang pasabugin ng babaeng ito ay hindi na namin siya pinaniniwalaan, kung paano niya nababali-baligtad ang mga senaryo na diretsong-diretso pa ang tingin sa mga camera ay tanging siya lang ang nakakaalam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.