Sa ikalawang video ng bugbugan sa NAIA 3
Bukod kina Raymart Santiago at Claudine Barretto ay may isa pang direktang kinasuhan si Mr. Ramon Tulfo tungkol sa engkuwentro nila nu’ng nakaraang May 6 sa Terminal 3 ng NAIA.
Sa unang video na naka-post sa You Tube ay kitang-kita ang lalaking nakasuot ng pink na t-shirt na nakiisa sa grupo nina Raymart at Claudine sa pambubugbog sa beteranong kolumnista.
Isa ito sa mga umuupak sa radio-TV anchor, pero tinamaan din kaya biglang tumalsik, pero ang nasabing video ay sorpresang nasundan pa ng isa.
Pinagpipistahan uli ngayon sa You Tube ang nasabing kaganapan na mukhang senyal na mas tumibay pa ang laban ng kolumnista laban sa grupo.Ang pangalan ng lalaking naka-pink, ayon sa mga dokumento ng demanda ni Mr. Tulfo ay si Eduardo Atilano y Tinio, ito ang bida ngayon sa bagong video na kalalabas lang tungkol sa bugbugan.
Ipinakikita du’n ang harap-harapang pagpapakawala ng ulos ng lalaki kay Mr. Tulfo, kung nakatalikod lang ang kolumnista ay para siyang binatukan ng lalaking naka-pink, pero ginawa ‘yun ng kaibigan nina Raymart at Claudine nang harap-harapan.
Matagal nang hinihiling ng mag-asawa na sana’y may makapagbigay sa kanila ng video ng mga naunang pangyayari bago ang pagtulung-tulong nila kay Mr. Tulfo kung saan sila hinusgahan agad ng publiko, pero anong video pa kaya ang kanilang hahanapin, ngayong lumabas na naman ang isang panoorin na talung-talo sila dahil sa ginawa ng lalaking naka-pink?
Dagdag na ebidensiya na naman ‘yun laban sa mag-asawa at sa kanilang grupo, dagdag na tibay naman sa kasong isinampa ng beteranong kolumnista laban sa kanila, meron pa kayang ibang videong lalabas tungkol sa bugbugan?
Anong panawagan pa kaya ang susunod na sasabihin ng mag-asawa para sa pagpapatibay nila sa katotohanan na hindi sila ang nagpasimula ng gulo? Meron pa kaya?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.