Sanggol ginawang tuta ng OFW | Bandera

Sanggol ginawang tuta ng OFW

Susan K - March 20, 2015 - 03:00 AM

MADALAS na problema ng OFW ang extra marital affairs sa kapwa OFW o kung minsan sa kanilang employer o mga nakilalang dayuhan.

May 32 taon na sa Dubai si Sally. Alam na alam niya ang estilo ng Pinoy doon. Lumapit sa kaniya ang isang Pinay OFW na kapapanganak lamang at nagmamakaawang iiwan at ibibigay na lamang sa kaniya ang anak nito.

Bagamat naaawa sa bata, hindi pumayag si Sally.Takot siya dahil walang legal na mga dokumento ang naturang baby, bukod pa sa takot din siya sa iba pang mga pananagutan sa batas.

Hindi simpleng kaso ang pag-aampon. Kung aalagaan lamang ang bata ay wala anyang problema.

Ngunit mapilit ang ina ng sanggol. Three weeks old pa lamang noon ang bata. Sabi ng ina, hindi rin niya puwedeng iuwi sa Pilipinas ang baby, dahil may asawa at mga anak siya sa Pilipinas. Tinalikuran na rin anya siya ng lalaking nakabuntis sa kanya.

Dahil parehong walang mga legal na papapeles ang mga magulang ng bata, wala silang alam gawin kundi ipamigay na lamang ang bata.

Ayon sa ina ng bata, hindi rin naman ‘anya nakapangalan sa kaniya ang bata dahil ilegal nga siya.

May napakiusapan siyang kababayan na legal nang naninirahan doon kung kaya’t nagawa nilang ilagay sa pangalan nito ang bata at siyang nagmistulang ina ng sanggol sa papel, upang maisyuhan lamang ito ng birth certificate.

Lalong inayawan ni Sally na ampunin ang bata dahil sa may iba pa palang taong sangkot sa pangalan ng bata.

Hanggang nagkaroon ng amnesty program sa Dubai. Lahat ng ilegal na namamalagi doon, may kalayaan nang makauwi ng kani-kanilang mga bansa.

Bumalik ang OFW kay Sally at nakiusap na iwanan muna niya pansamantala ang bata at may pupuntahan lamang ‘anya siya.

Tiwala naman si Sally na tinanggap ang bata sa pag-aakalang may aayusin nga ito. Pero hindi na nagbalik ang OFW.

Hanggang sa isang tawag sa telepono ang natanggap niya. Nasa Pilipinas na ang ina ng bata, humihingi na lamang ito ng paumanhin na iniwan sa kaniya ang sangol nang walang paalam, dahil sumuko ‘anya siya sa mga awtoridad upang mabigyan ng amnestiya at napauwi kaagad siya.

Pangako niya kay Sally, hinding-hindi siya maghahabol sa kaniyang anak. Sa kaniya na lamang ‘anya ang bata at hindi siya manggugulo kahit kailan. Ganoon din ang ama ng bata, wala na ‘anyang pakialam ito sa kanilang sanggol.

Walang nagawa si Sally kundi isaayos na lamang ang kalagayan ng bata habang nasa kaniyang poder. Tinulungan siya ng ilang opisyal mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Dubai at naiuwi niya ang bata sa Pilipinas.

Parang tuta o laruan lamang na iniwan ito sa kaniya. Kailangan tuloy ni Sally na kumuha ng tagapag-alaga sa bata dahil pabalik-balik pa rin siya ng Dubai.

Inilapit na niya kay Atty. Dennis Gorecho ng Bantay OCW ang naturang problema at ngayon ay isinasaayos na nila ang kinakailangang mga dokumento upang matulungan si Sally. Lalo pa’t inihahanda rin nila ito kung sakaling papasok na ang bata sa paaralan.

Mahirap paniwalaan ngunit dumarami ang mga inang tulad ng OFW na basta na lamang tutuwaran, iiwanan ang kanilang sariling mga anak.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi kaya sila binabagabag ng kanilang mga konsensiya?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending