DALAWANG dekalibreng US coaches ang darating para tulungan ang Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) sa hangaring humakot ng gintong medalya sa Singapore Southeast Asian Games sa Hunyo.
Sa suportang ibinigay ng Philippine Sports Commission (PSC), kinuha ng Patafa sa liderato ni Philip Ella Juico sina dating marathoner Dick Beardsley at dating University of Cincinnati coach Bill Schnier at sila ay darating sa susunod na linggo.
“Beardsley will train our marathoners Eduardo Buenavista, Rafael Poliquit, Mary Joy Tabal and Mary Grace delos Santos while Schnier will handle the rest except for athletes in the throwing events. We are in negotiation with another US coach who will handle that,” wika ni Juico.
Walang naging problema sa PSC sa pagsuporta sa tatlong coaches dahil mas mura ito kumpara sa naunang plano na ipadala ang mga pambato sa US para doon magsanay.
Ang gastos ng PSC sa kina Beardsley at Schnier ay papalo lamang sa P2.5 milyon pero nasa mahigit na P10 milyon kung itinulak ang pagpapadala ng atleta sa Estados Unidos.
Tulad sa mga dating SEAG, ang athletics ang siyang sinasandalan na pangunahan ang kampanya dahil sa dami ng gintong medalya na pinaglalabanan.
Handa naman ang Patafa na tugunan ito pagtitiyak ni Juico.
“We’re always asked how many we can win, that’s a standard question. We have looked at ourselves and I think we can win six to eight gold medals and there is a 50/50 chance of winning in six other events,” dagdag pa ni Juico.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.