SINO nga ba ang kokontra sa kasabihan na ang edukasyon ang susi sa tagumpay? Napatunayan na ito dahil sa karamihan sa nakakakuha ng trabaho o may magandang puwesto ay iyong mga titulado o sila na nakapagtapos ng kurso sa kolehiyo.
Ngunit ang masaklap na katotohanan, habang tumatagal, lumalabas na ang edukasyon ay hindi para sa lahat kundi para lamang sa mga nakaririwasa o may kaya sa buhay.
Oo nga’t merong mangilan-ngilan na nakapagtatapos sa kolehiyo sa kabila ng kahirapan, pero hindi talaga mapasusubalian na napakaraming bilang ngayon ng mga kabataan ang hindi nakapag-aaral o hindi nakapagtatapos dahil sa napakalaking bayarin ng matrikula.
Hindi pa riyan kasama ang araw-araw na gastusin sa baon, aklat, at iba pang bayaring sinisingil ng mga paaralan. Pero ano nga ba ang ginagawa ng pamahalaan hinggil dito, lalo na’t taun-taon na lamang ay tumataas ang matrikula o tuition?
At habang nagpapatuloy ang ganitong pang-aabuso ng mga eskwelahan na negosyo ang tingin sa edukasyon, dadami at dadami pa ang bilang ng mga kabataang hindi na makapag-aaral.
Nangangahulugan na sa bawat taon na lilipas ay tiyak na dadami rin ang bilang ng mga tambay o silang mga tinaguriang mga “katuga” o walang ginagawa kundi kumain, matulog at gumala.
Dahil dito, dadami rin ang bilang ng walang trabaho. Batay sa mandato ng Commission on Higher Education (CHEd) malinaw na isinasaad ang mga katagang : “…to ensure that quality higher education is accessible to all who seek it particularly those who may not be able to afford it.”
Ngunit malayo sa katotohanan ang mga pahayag sa aktuwal na ginagawa ng komisyon. Malinaw na negosyo ang edukasyon sa Pilipinas. Kung mahirap ka at walang pambayad ng tuition, hindi ka makapag-aaral sa kolehiyo.
Mananatiling pangarap na lang ang makapagtapos ng pag-aaral. At ngayong darating na school year, asahan na muling magtataas ng kanilang mga matrikula ang mga unibersidad at kolehiyo.
Ayon sa National Union of Students in the Philippines (NUSP), aabot sa 400 paaralan ang magtataas ng matrikula. At dahil dito, asahan na rin na marami na namang mga kabataan ang hihinto sa kanilang pag-aaral dahil hindi na kakayanin pang magbayad ng tuition.
Ang masakit nito, hindi kayang protektahan ng gobyerno ang mga estudyante sa hayagang pang-aabuso ng mga negosyanteng nagpapatakbo ng mga paaralan.
Wala ring saysay ang CHEd na siyang dapat ay nangangalaga sa karapatan at interes ng mga mag-aaral dahil halatang sunud-sunuran din ang mga ito sa kumpas ng mga ganid na mga negosyante.
Inutil ang CHEd dahil wala itong magawa para pigilin ang pagtaas ng matrikula. Maliban sa pa-“consuelo-de-bobong” ginagawang konsultasyon sa mga magulang para sa pagtataas ng matrikula, kailan ba nanaig ang hinaing ng mga magulang at mag-aaral na huwag itaas ang tuition? Pabalat-bunga lang ang sinasabing konsultasyon, dahil sa huli, bingi, pipi at bulag ang CHEd para panindigan nito ang interes ng mga mag-aaral.
Batay sa pahayag ng NUSP, aabot sa 13 porsyento hanggang 20 porsyento ang itataas ng matrikula sa darating na school year at hindi imposibleng mangyari ito dahil nga sa inutil ang CHEd.
At maliban sa palasak na press release ng CHEd na kanilang gagawin ang lahat ng magagawa para maging makatwiran ang pagtataas ng matrikula, tiyak na walang aasahang pabor na makukuha ang mga mag-aaral.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.