Derek, Dennis tinilian sa concert ni Jennylyn
SUCCESSFUL ang pre-Valentine show ni Jennylyn Mercado na “Oo Na, Ako Na Mag-Isa” na ginanap sa SM Skydome, North Edsa noong Biyernes ng gabi kahit na marami itong kasabayang malalaking concert.
Wala pang isang buwan ang preparasyon ng concert ni Jennylyn dahil nu’ng nag-hit ang pelikulang “English Only Please” ay saka lang naisip ng producers ng pelikula na sina tita Becky Aguila, Edgar Mangahas ng MJM Productions at Atty. Joji Alonso na i-produce ng Valentine show si Jennylyn.
Naging guests ng singer-actress ang mga kasama niya sa movie tulad nina Derek Ramsay, Cai Cortez at Kean Cipriano, idagdag pa ang ex-boyfriends ng aktres na sina Mark Herras at Dennis Trillo.
Hindi nga kami naniwala sa narinig namin na kaka-release lang ng tickets sa SM Tickets ay sold out na kaagad ang Gold at VIP, at bleachers lang ang natitira.
Kaya naman nu’ng nasa Skydome kami ay talagang ang Ticketnet ang pinuntahan namin, at totoo nga, may mga nakalagay na SOLDOUT. Ibig sabihin talagang marami nang fans si Madlangsakay, ang karakter ni Jen sa “EOP”.
Sabi nga ng katotong Vinia Vivar, hindi nga rin daw siya makapaniwala na sold out agad ang tickets at ang dami-dami pa raw humihingi sa kanya na hindi nila napagbigyan dahil wala na silang maibigay.
Na-late kami sa concert kaya hindi namin inabutang kumanta sina Kean Cipriano na naka-duet si Jennylyn sa “I Think I’m In Love”, nagmamadali raw umalis ang singer-actor dahil may gig pa ito.
Kumakanta na si Jen ng “Foolish Heart” nang dumating kami, na bagay na bagay sa kanya dahil nga parati siyang sawi sa pag-ibig. Sinundan ito ng “Break Free”, “All of Me” at “Bakit Nga Ba Mahal Kita.”
Pansin ng lahat, ang ganda-ganda ni Jennylyn that night, at super sexy – kaya ang tanong ng marami, hindi ba naisip nina Mark at Dennis na balikan ang aktres?
Muli kaming pinabilib ni Mark nang humataw na ito sa stage, wala pa ring kupas ang aktor pagdating sa pagsasayaw – para siyang si Aga Muhlach na pareho ng istilo at angas sa stage noong kabataan nito.
Nagulat kami dahil buhay pa pala ang fans nina Mark at Jennylyn noong panahon pa ng Starstruck, talagang walang humpay sa kakapiktyur at pagkuha ng video habang sumasayaw ang aktor.
Naaliw naman kami sa karaoke medley ni Jennylyn dahil bagay na bagay sa kanya ang mga awiting “Pusong Bato”, “Halik”, “Gayuma” at “Buko”.
May special VTR payo si Papa Jack tungkol sa pag-ibig pero parang wala naman itong epek sa audience. Nabaliw naman ang lahat sa sexy dance number ni Jennylyn kasama ang G Force sa tugtuging “Crazy In Love.”
Hiyawan naman to the max nang kumanta sina Jennylyn at Dennis ng “After All” ni Peter Cetera. Sabi ng iba may kilig pa rin ang dalawa at sana raw ay sila na lang ulit. Pagkatapos nito ay kumanta naman si Gloc 9 ng “Magda.”
Hiyawan din ang mga tao nang marinig na ang boses ni Julian Parker, ang karakter ni Derek sa pelikulang “English Only Please” lalo na nu’ng kinantahan ng aktor si Jennylyn ng “The Way You Look Tonight” at sabay bigay ng teddy bear na pinangalanan nilang Julian, Tere at Jules na magiging anak nila sa sequel ng movie.
Marami namang na-touch sa production number ng loyal supporters ni Jennylyn na maski saan daw siya pumunta ay nakasunod ang mga ito.
Kinanta nila ang “Awit ng Barkada” ng APO Hiking Society na maski may kanya-kanya silang tono ay okay lang dahil ipinakita nilang through thick and thin ay dinadamayan nila ang singer-actress sa loob ng 12 years.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.