BODEGA na nga ang Maynila.
Ano ba ang bodega?
Ang bodega ay imbakan, kung masigla ang ekonomiya at parating dumarating at inilalabas ang mga kalakal.
Pero, kapag bagsak ang ekonomiya at mahina, o kundi’y naghihingalo sa kasalukuyang kalagayan, ang bodega ay madilim at mabaho.
Ang madilim at mabahong bodega ay pinamumugaran ng lamok, daga’t ipis, o tambayan ng mga kabataang rugby, mga baklang naghahanap ng libangan o parausan, tulad ng mga nagaganap sa sinirang Baywalk (sa tangang kadahilanan na binabara nito ang magandang tanawin ng paglubog ng araw, pero sa matalinong kadahilanan na kailangang kumita ang katulad na puwesto, sa di kalayuan).
Ang basyong bodega ay marumi, tulad ng paligid ng City Hall.
Papasok pa lamang ng City Hall ay nakaharang na ang mga “bumabati” ng notaryo, sedula, kasal at mga serbisyong kapalit ang halaga ng pera ay makakamit nang walang kuskos-balungos ang nais. Ang basyong bodega ay bahay ng mga sumisinghot ng rugby, tulad ng kolonya sa Liwasang Bonifacio, Tutuban sa Divisoria, Abad Santos sa Tondo o mismong malapit sa City Hall, ang lilim ng malalaking gusali sa Arroceros.
Ang basyong bodega ay mapanganib sa mga naglalakad, tulad ng sa ibabaw ng mga tulay ng Quezon, MacArthur at Jones; Muelle de Industria, atbp.
Mas lalong mapanganib sumakay ng pampasaherong jeepney sa Avenida Rizal, Jose Abad Santos, Bonifacio Drive, Pier, Del Pan, R10, Juan Luna, Espana, R. Magsaysay, Francisco, Old Panaderos, Mabini, M.H. del Pilar, atbp., sa gabi.
Mas lalong nakababagot magyaot sa umaga dahil sa bigat at baradong daloy ng trapiko, dahil mas marami na ang bilang ng nanghihingi ng limos (gamit ang mga menor de edad, ang mga ito’y may ipinamumudmod nang mga sobre para sidlan ng pera, o kundi’y may kapirasong basahan para punasan nang minsan ang sapatos ng pasahero at humingi ng piso) kesa nagmamando ng trapiko; pero biglang susulpot ang “awtoridad” kapag nagkamali ng parada sa gilid ng kalye at iwawasiwas agad ang paniket sa illegal parking.
Si Erap ang unang nakapuna na bodega na lang ang Maynila, pero matagal nang naninirahan sa karimlan at kasukalan ang mahihirap sa Baseco, Parola, North Harbor, Magsaysay Village, Vitas, Pritil, Herbosa, Moriones, R10 at Juan Luna. Maging ang Sampaloc ay ginapang na rin ng dugyot at kriminal.
Kailan ang huling natatandaan ng memorya na ipinagmalaki ang Maynila sa buong bansa at sa buong mundo?
Hindi na matandaan dahil hindi na taruk ng memorya ang dapat na balikan.
Nakatutuwang naipagmamalaki ang Cebu, Davao City, Makati, Taguig at Quezon City.
Pero di ang Maynila. Alaala na lamang noong panahon ni Ramon Bagatsing na ang Maynila ay sentro ng five-star hotels.
Pero ang alaala ay patunay na lumipas na ang sigla ng kabisera ng bansa.
Sa paglipas ng mahabang panahon, kasya na ba ang Maynila sa bodega?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.