NAIPAKITA ni Jaybop Pagnanawon ang kakayahang kuminang sa gagawing 2015 Ronda Pilipinas na handog ng LBC nang pagharian ang Dumaguete City hanggang Negros Oriental Stage one race sa pagsisimula ng Visayas leg kahapon ng umaga.
Sapat ang lakas ng 26-anyos na si Pagnanawon para talunin sa rematehan ang mas kilalang katunggali na sina Irish Valenzuela at Baler Ravina tungo sa panalo.
Ang tubong Talisay City, Cebu ay anak ng 1986 Marlboro Tour champion Rolando Pagnanawon. “Idol ko ang tatay ko at gusto ko na maging kagaya niya,” wika ng batang Pagnanawon na naorasan ng apat na oras, 25 minuto at 10 segundo sa 172.7-kilometrong karera.
Ang dating kampeon na si Valenzuela ay may 4:25:11 tiyempo at angat siya ng isang segundo kay Ravina sa una sa tatlong qualifying race na may basbas ng PhilCycling at suportado rin ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.
May P25,000 premyo si Pagnanawon at nasikwat pa ang P6,000 nang siya ang lumabas bilang King of the Mountain para ipalagay na palaban kapag napasok sa Championship round mula Pebrero 22 hanggang 27.
May 50 siklista ang kukunin matapos ang Visayas leg pero kailangang pumasok sila sa itinakdang qualifying time.
Ang iba pang siklista na nasa top ten ay sina Alvin Benosa (4:25:39), Boots Cayubit (4:26:02), Reynaldo Navarro (4:26:38), Kenneth Solis (4:26:43), Cris Joven (4:26:44), Leonel Dimaano (4:26:44) at Denver Casayuran (4:26:45).
Si Solis ang lumabas bilang pinakamahusay sa under-23 category habang si Edalson Ellorem ang nanguna sa 18-and-under division. Magpapatuloy ang karera ngayon na isang 156.6-km Bacolod-Bacolod race at dadaan sa mga bundok sa Don Salvador Benedicto.
Tumutulong din para maayos na mapatakbo ang karera ay ang Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX habang ang TV5 at Sports Radio ang mga media partners.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.