MAHIGIT 20 taon nang naninirahan sa Europa sina Philippe at Dianne. Doon sila nagtatrabaho nang patagu-tago sa loob ng maraming taon.
Iniwan nila ang tatlo nilang mga anak na noon ay may edad lang na 5, 7 at 10 kahit mabigat ito sa kanilang damdamin.
Wala namang magawa ang mga bata. Hindi rin naman nila nauunawaan kung bakit kailangang umalis ng bansa ang mga magulang.
Sa Pilipinas, naging maayos naman ang buhay ng kanilang mga anak. Sagana sa pagkain, natutugunan ang bawat pangangailangan.
Malaking halaga kasi ang ipinadadala nila para sa mga bata na pinamamahalaan naman ng kanilang lolo at lola. Dalawa nga naman ang naghahanap-buhay sa abroad kung kaya’t tiyak talagang malaki ang kanilang kinikita.
Naging masinop din naman ang mga magulang ni Philippe sa paggasta sa perang ipinadadala para sa mga bata. Hindi rin maluho ang mga ito. At hindi rin nila sinanay sa luho ang mga bata.
Naging mabuting mga anak ang mga bata. Mataas ang mga grado sa eskwela at hindi mga pasaway kahit walang mga magulang na direktang gumagabay sa kanila.
Pero dahil TNT nga lang ang lagay sa abroad ay hindi maipangako nina Philippe at Dianne kung kailan sila uuwi o kung kailan nila muling makikita ang kanilang mga anak.
Gustuhin man nilang umuwi at labis-labis na kalungkutan na ang nadarama, nagtiis sila at umaasang isang araw ay mabibigyan din sila ng papel o legal na mga dokumento upang makabalik pa silang muli sa kanilang trabaho at maipagpatuloy ang buhay na nakasanayan na.
Nakakapanghinayang dahil nagsilakihan ang mga bata nang hindi nila naranasan magkaroon ng mga magulang. Malaking kahinayangan din sa panig ng mag-asawa dahil nagsilakihan ang kanilang mga anak na hindi nila naranasan ang pagganap sa papel ng isang magulang.
Sampung taon na Europa ang mag-asawa nang makabalik sila ng Pilipinas. Siyempe masaya ang unang mga araw at buwan na magkakasama ang buong pamilya. Ngunit nang nagtatagal na, pare-pareho na silang hindi kumportable sa isa’t-isa.
Gustong gusto na ring bumalik nang mag-asawa sa Europa. Hindi lang din masabi ng kanilang mga anak, gustung-gusto na rin nilang umalis ang mga magulang dahil pakiramdam nila ay nasasakal na sila sa mga paghihigpit at pagdidisiplina ng mga ito na hindi naman nila nakasanayan sa kanilang lolo at lola.
Kulang na lang din na sabihin nila sa kanilang mga magulang na ayos na ang ganoong set-up na magkakahiwalay sila kaysa naman ang magkakasama sila.
Binago na nga ng paga-abroad ang orihinal na layunin ng pagpapamilya na dapat ay nagmamahalan at nagsasama-sama sa lahat ng panahon, sa hirap at ginhawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.