INQUIRER PHOTO
NAGBUNGA ang pagsisikap ni Malaysian Harrif Salleh ng TSG Terrengganu Cycling team na maidikit ang peloton sa tatlong siklistang maagang kumawala nang pagharian ang Iba, Zambales-to-Lingayen, Pangasinan stage three ng 2015 Le Tour de Filipinas kahapon.
Ang 27-anyos na beteranong siklista, na nagwagi ng dalawang ginto sa track events ng 2011 Palembang Southeast Asian Games, ay kumalas sa malaking pulutong ng siklista sa huling tatlong kilometro para sa makuha ang isang bisikletang layong panalo laban sa pumangalawang si Mehdi Sohrabi ng Tabriz Petrochemical team ng Iran sa karerang handog ng Air21 na may suporta ng MVP Sports Foundation at Smart at inorganisa ng Ube Media Inc.
Isa pang dayuhan na si Timo Thomel ng RTS Santic Racing team ang pumangatlo habang ang mga nangunguna sa overall race na sina Eric Sheppard ng Attaque Team Gusto Taipei at ang nagdedepensang kampeong si Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike Philippines ay kasama sa 58-man peloton na tumawid sa finish line.
“Today race course was not hot. We just wait for the sprint because the climb will be very hard for us,” wika ni Salleh na beterano ng 2012 LTDF at nakatakdang sumali rin sa Asian Cycling Championships sa susunod na linggo sa road race at sa Singapore SEA Games sa criterium event.
Naorasan si Salleh at iba pang kasabayan nito ng 3:38:35 at kabilang rito sina Korean Jang Sun Jae ng TRS-Santic Racing Team ng Taipei, Japanese Hiroshii Tsubaki ng Bridgestone Anchor Cycling Team at Australian Theodore Yates ng Navitas Satalyst Racing Team na kumalas agad sa unang 15 kilometro pero naubos din at inabutan ng ibang naghahabol na siklista papasok ng Lingayen.
Hindi naman nabago ang talaan sa overall race sa natatanging cycling event sa bansa na may basbas ng international federation UCI at may tulong pa ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceutical Phils. at Canon dahil si Sheppard pa rin ang nangunguna sa oras na 10:46:06 habang nasa pangalawang puwesto pa rin si Galedo na kapos lamang ng tatlong segundo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.