NASUGATAN ang aktres na si Lilia Cuntapay nang sapakin ng isang lalaki na may diperensya sa pag-iisip sa isang pagtatanghal sa Tupi, South Cotabato noong Biyernes, iniulat ng pulisya kahapon.
Nagtamo si Cuntapay, tinaguriang Queen of Philippine Horror, ng mga sugat sa kaliwang bahagi ng mukha. Namaga rin ang kanyang mata matapos mamuo ang dugo.
Tumaas din umano ang blood pressure nito, dahilan para ma-confine siya sa Allah Valley Medical Specialist.
“As of now she is being secured by two policemen, her room is off-limits to visitors,” sabi ni Dr. Grace Tanzo, resident physician ng AVMS, sa panayam ng dxOM-FM sa Koronadal City.
Base sa ulat ng Tupi police, inimbitahan ang 80-taong-gulang na si Cuntapay sa anibersaryo ng pagkakatayo ng Gen. Paulino Santos Memorial Institute noong Biyernes.
Habang tahimik na nakaupo si Cuntapay sa gilid ng stage ng paaralan at hinihintay na tawagin para umakyat sa entablado ay sinugod siya ng isang lalaki, na nakilalang si Aljay Sacramento, 29, at pinuntirya ang kanyang mukha.
Hindi pa alam kung sasampahan ni Cuntapay ng kaso ang lalaki, bagamat humingi na umano ng paumanhin ang mga kamag-anak ng huli sa pangyayari.
Nakilala si Cuntapay sa kanyang pagganap na aswang, manananggal at mangkukulang sa maraming pelikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.