ANG akala ba ni Pangulong Noynoy ay maiibsan ang galit ng mamamayan sa kanya sa hindi niya pagdalo sa arrival honors ng mga napatay na police commandos sa Villamor Air Base noong Huwebes?
Parang inuto lang ni P-Noy ang mga pamilya ng 44 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) nang siya’y nakipaglamay ng buong araw sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ang mga nasawing miyembro ng SAF ay nakipaglaban ng dehadong-dehado sa mga rebelde ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos nilang mapatay ang isang Malaysian na bomb-maker.
Lalong kapansin-pansin ang pakikipaglamay ni P-Noy ng buong araw noong Biyernes matapos niyang isnabin ang arrival honors noong Huwebes.
Pinili kasi ng Pangulo na puntahan ang inagurasyon ng planta ng Mitsubishi sa Laguna kesa salubungin ang mga napatay na mga commandos na sinubo niya sa Maguindanao.
Bakit sinubo? Kasi alam niya ang operasyon sa Maguindanao from start to finish. Binigyan niya ng go-signal na makuha ang Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.
Kaya nalipol ang isang grupo ng SAF dahil hindi nakipag-coordinate sa militar ang mga nakakataas. Dapat sana ay may grupo ng Army na nag-backup sa mga tropa nang pasukin nila ang teritoryo ng MILF at BIFF.
In fairness to the President, sabi niya inatasan niya si Executive Secretary Jojo Ochoa, head ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, na nagplano ng raid sa Maguindanao camp, na makipag-coordinate sa Armed Forces of the Philippines (MILF).
Pero hindi nagawa ni Ochoa na pagsabihan ang Army na may raid ang SAF sa Maguindanao. Nakalimutan marahil ni Ochoa gawa ng kalasingan o matinding hang-over.
Dahil sa walang coordination sa military sa Maguindanao, parang mga manok na pinagbabaril ang mga SAF troopers ng mga MILF sa isang open cornfield.
May pupunahin lang ang inyong lingkod sa ginawa ng Aquino administration upang maibsan ang galit ng mga pamilya ng mga nasawi at maging ang galit ang mga mamamayan sa Pangulo.
Bukod sa financial benefits na binibigay sa mga sundalong napatay in line of duty, marami pang ibang benepisyo ang ibibigay sa mga pa-milya ng “Fallen 44” gaya ng scholarship sa mga anak nito, pera na galing sa President’s Social Fund, mga financial contributions galing sa iba’t ibang sektor at pagkolekta ng donation sa publiko ng Aquino administration para sa mga nasawi.
Bakit binigyan ng napakaraming benepisyo ang mga pamilya ng “Fallen 44” at hindi ang ibang pamilya ng mga sundalong napatay sa pakikipaglaban sa mga kalaban ng gobyerno?
Halimbawa, ang mga miyembro ng 19 members ng Army Special Forces na minasaker sa Al Barka sa Basilan noong October, 2011 ng mga MILF at Abu Sayyaf.
Bakit hindi nabigyan ang kanilang pamilya ng mga benepisyo na gaya ng mga pamilya ng mga SAF troopers?
At paano naman ang iba pang mga sundalo na napatay sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng Moro at New People’s Army (NPA)? Bakit hindi rin sila binigyan ng mga malalaking benepisyo?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.