Ni Jimmy Alcantara
Deputy Editor
NANINIWALA ka ba na mayroong mga nilalang sa ibang bahagi ng daigdig at bumisita na sila dito sa atin ilang libong taon na ang nakararaan?
Kung ang pagbabasehan mo ay ang mga teorya ng mga tinaguriang ufoligist o ang mga taong “eksperto” sa mga unidentified flying objects (UFO) at aliens, maaari kang mapaniwala.
Lalo na kung ang pagbabasehan nila ay ang Bibliya, ang pinakaimportante at pinakasagradong libro ng mga Kristiyano.
Ayon sa mga ufoligist na ito, ang mga pinakakagila-gilalas na kuwento ukol sa mga aliens ay matatagpuan sa Bibliya.
Inilarawan pa nga ng isa sa mga ito na ang Bibliya nga raw ang “the greatest flying saucer book of them all.”
Kabilang sa mga kuwentong ito ay ang tungkol sa propetang si Elijah. Ayon sa II Mga Hari 1:14, inilipad sa langit ng karo ng apoy (chariots of fire) ang propeta sa harap mismo ng kanyang mga kasamahan.
Ayon sa mga ufologist, si Elijah ay biktima ng pagdukot ng mga nilalang dahil para sa kanila ay pinuwersa lamang ang propeta nang ilipad ito sa himpapawid.
Binanggit din sa sumusunod na talata sa Bibliya ang mga karo ng apoy:
At si Eliseo ay nanala-ngin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya’y makakita.
At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya’y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo. (II Mga Hari 6:17)
Maging sa Isaias 66:15-6 ay inilarawan din ang mga karo ng apoy: Sapagka’t, narito, ang Panginoon ay darating na may apoy, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo; upang igawad ang kaniyang galit na may kapusukan, at ang kaniyang saway na may ningas ng apoy.
Ipinalalagay din ng mga ufoligist na isang “UFO event” na ang pangitain ni Jacob ukol sa mga anghel na umaakyat sa langit.
Ito ang sinasabi sa Genesis 28: 10-12: At umalis si Jacob sa Beerseba at napasa dakong Haran.
At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka’t lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog.
At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon.
Hindi rin pinalagpas ng mga ufologist ang ginawang paglalakbay ni Moses at ng mga Israelita mula sa Ehipto patungo sa Lupang Pangako upang igiit ang kanilang teorya.
Hirit nila, may posibilidad na kaugnay rin dito ang mga nilalalang mula sa ibang planeta.
Ito ang mababasa sa Exodo 13:21-22: At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila; upang sila’y makapaglakad sa araw at sa gabi.22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi humihiwalay sa harapan ng bayan.
Naniniwala ang bible scholar at ministro na si B.H. Downing na ang haliging ulap at apoy ay maaaring UFO at ang ibinuga ng tambutso nito ang responsable sa paghahati ng Red Sea.
Pero ang pinakamahaba, pinakamalinaw at pinakaposibleng ebidensya ng aliens sa Bibliya ay mula kay Ezekiel, ang propetang nabuhay noong panahon ng pagkakatapon sa Babilonia ng mga taga-Jerusalem. Noong siya ay 30-taong-gulang, nagkaroon siya ng pangitain:
“At ako’y tumingin, at, narito, isang unos na hangin ay lumabas na mula sa hilagaan, na isang malaking ulap, na may isang apoy na naglilikom sa sarili, at isang ningning sa palibot, at mula sa gitna niyao’y may parang metal na nagbabaga, mula sa gitna ng apoy.
At mula sa gitna niyao’y nanggaling ang kahawig ng apat na nilalang na may buhay.
At ito ang kanilang anyo, Sila’y nakawangis ng isang tao; At bawa’t isa ay may apat na mukha, at bawa’t isa sa kanila ay may apat na pakpak.
At ang kanilang mga paa ay mga matuwid na paa; at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila’y nagsisikinang na parang kulay ng tansong binuli.
At sila’y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran; at silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
Ang kanilang mga pakpak ay nagkakadaitan; sila’y hindi nagsisipihit nang sila’y yumaon; yumaon bawa’t isa sa kanila na patuloy.
Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, sila’y may mukhang tao; at silang apat ay may mukha ng leon sa kanang tagiliran; at silang apat ay may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran; silang apat ay may mukha rin ng aguila.
At ang kanilang mga mukha at ang kanilang mga pakpak ay magkahiwalay sa itaas: dalawang pakpak ng bawa’t isa ay nagkakadaitan at ang dalawa ay nagsisitakip ng kanilang mga katawan.
At yumaon bawa’t isa sa kanila na patuloy; kung saan naparoroon ang espiritu, doon sila nangaparoroon; sila’y hindi nagsisipihit nang sila’y yumaon.
Tungkol sa anyo ng mga nilalang na may buhay, ang kanilang katulad ay parang mga bagang nagniningas; parang mga sulo: ang apoy ay tumataas at bumababa sa gitna ng mga nilalang na may buhay at ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
At ang mga nilalang na may buhay ay nagsitakbo at nagsibalik na parang kislap ng kidlat.
Samantala ngang minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito, ang isang gulong sa lupa sa siping ng mga nilalang na may buhay, sa bawa’t isa ng apat na mukha ng mga yaon.
Ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari ay parang kulay ng berilo: at ang apat na yaon ay may isang anyo: at ang kanilang anyo at ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.
Pagka yumaon, nagsisiyaon sa kanilang apat na dako: hindi nagsisipihit nang sila’y yumaon.
Tungkol sa kanilang mga Rueda ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga Ilanta na puno ng mga mata sa palibot.
At pagka ang mga nilalang na may buhay ay nagsisiyaon, ang mga gulong ay nagsisiyaon sa siping nila; at pagka ang mga nilalang na may buhay ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas.
Kung saan naparoroon ang espiritu ay nangaparoroon sila; doon pinaparoonan ng espiritu; at ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka’t ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
Pagka ang mga yaon ay nagsisiyaon, ang mga ito’y nagsisiyaon; at pagka ang mga yaon ay nagsisitayo, ang mga ito ay nagsisitayo; at pagka ang mga yaon ay nangatataas mula sa lupa, ang mga gulong ay nangatataas sa siping nila; sapagka’t ang espiritu ng nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
At sa ibabaw ng ulo ng nilalang na may buhay, may kawangis ng langit, na parang kulay ng kakilakilabot na bubog, na nakaunat sa itaas ng kanilang mga ulo.
At sa ilalim ng langit ay nakaunat ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay sa gawi ng isa: bawa’t isa’y may dalawa na tumatakip ng kaniyang katawan sa dakong ito, at bawa’t isa’y may dalawa na tumatakip sa dakong yaon. At nang sila’y magsiyaon, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang hugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, na hugong ng kagulo na gaya ng kaingay ng isang hukbo: pagka sila’y nagsisitayo, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
Ayon kay Ezekiel, ang pangitain ay ang imahe ng Diyos. Pero humirit ang mga ufologist at sinabing ang nakita ng propeta ay ang pagdating sa lupa ng isang spaceship.
Isang engineer mula sa National Aeronautics and Space Administration ang nais pasubalian ang sinabing ito ng mga ufologist kaya nagdisenyo siya ng “flying saucer” na base sa paglalarawan ni Ezekiel.
Aniya, hindi mabubuo ang sinasabing rueda sa kanyang pag-eeksamin. Pero nagulat si Josef Blumrich nang mag-swak ang deskripsyon sa Bibliya para sa disenyo ng isang landing module na mula “mother ship.”
Isinaayos niya ang disenyo at detalye ng kanyang nabuong UFO at inilabas ito sa kanyang libro na The Spaceships of Ezekiel.
Paliwanag ni Blumrich sa kanyang libro na ang apat na nilalang ay maaaring mga “landing gear,” isa ay may gulong para makapagmaniobra sa ibabaw ng lupa.
Habang ang mga pakpak ay mga talim ng helicopter na ginagamit bago ang tuluyang paglapag sa lupa.
Abangan bukas: Aliens noong unang panahon
(Ed: May tanong, reaksyon o komento ba kayo sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.