Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Barako Bull
vs. Blackwater
7 p.m. Talk ‘N Text
vs. Rain Or Shine
TATAPUSIN ni Richard Howell ang misyong nabigo noong nakaraang taon sa pagbabalik niya sa kampo ng Talk ‘N Text para sa 2015 PBA Commissoner’s Cup.
Makakaharap ng 6-8 na si Howell si Rick Jackson sa salpukan ng Tropang Texters at Rain Or Shine dakong alas-7 ng gabi sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay magkikita ang Barako Bull at Blackwater Elite na pangungunahan ng mga imports na seven-footers.
Ang 24-taong gulang ng si Howell, na siyang naging Best Import noong nakaraang season, ay naghahangad na ihatid ang Talk ‘N Text sa kampeonato.
Magugunitang sumegunda lang ang Talk ‘N Text sa San Mig Coffee (ngayo’y Purefoods) sa Finals ng 2014 Commissioner’s Cup.
Sa 16 games, si Howell ay nag-average ng 19.5 puntos at 18.6 rebounds bukod sa 1.7 assists.
Si Howell ay makakatapat ng 6-9 na si Rick Jackson na produkto ng Syracuse. Ang 25-taong gulang na si Jackson ay naglaro sa Austin Toros sa NBA D-League.
Bukod sa pagkuha ng isang datihang import, kinuha rin ni Talk ‘N Text coach Joseph Uichico ang two-time Most Valuable Player na si Willie Miller upang punan ang puwes-tong binakante ng nagretirong si Jimmy Alapag na ngayon ay team manager na ng Tropang Texters.
Ang Blackwater Elite, na nangulelat sa katatapos na Philippine Cup at hindi nanalo ni isang laro, ay pamumunuan ng 7-1 na si Chris Charles, isang two-time Best import sa ASEAN Basketbal League kung saan inihatid niya sa kampeonato ang Thailand Slammers.
Kinuha naman ng Barako Bull ang 7-1 Nigerian na si Solomon Alabi na napiling 50th overall sa 2010 NBA Draft.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.