Miss Colombia kinoronahan bilang 63rd Miss Universe
SA kabila ng pagkatalo sa ginanap na 63rd Miss Universe coronation night sa Miami, Florida, USA kahapon, puro papuri pa rin ang natanggap ni Miss Philippines MJ Lastimosa mula sa ating mga kababayan, kabilang na ang mga sikat na celebrities.
Pumasok si MJ hanggang sa top 10 finalists ng pageant pero hindi na siya nakasama nang i-announce na ang top 5. Si Miss Colombia Paulina Vega ang tinanghal na Miss Universe 2014 habang first runner-up si Miss USA, second si Miss Ukraine na sinundan ni Miss Netherlands at fourth-runner up naman si Miss Jamaica.
Hindi nga nagawang tapatan ni MJ ang narating ng mga naging kandidata ng Pilipinas sa mga nakaraang Miss Universe beauty pageant tulad nina Venus Raj, Shamcey Supsup, Janine Tugonon at Ariella Arida na lahat ay nakaabot pa sa Top 5.
Samantala, base sa mga nabasa naming comments sa social media, deserving naman daw manalo si Miss Colombia, dahil bukod sa ganda at kaseksihan ay matalino rin daw ang dalaga.
Ito ang naging tanong kay Miss Colombia ni MTV star Rob Dyrdek na isa nga sa mga naging judge: “What could women learn from men?” Ang naging sagot ni Paulina Vega, “A lot of men still believe in equality. I think that’s the thing that women we should learn from men.”
Nakatanggap naman ng special awards ang ilang kandidata tulad nina Miss Nigeria na nanalong Miss Congeniality; Miss Puerto Rico bilang Miss Photogenic; at Miss Indonesia na nagwaging Miss National Costume.
Isa ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa mga umupong judges sa 63rd Miss Universe at siya ang napiling magtanong kay Miss USA na waging first-runner up.
Tanong ni Pacman kay Miss USA, “If you were given 30 seconds to deliver a message to a global terrorist, what would you say?”
Tugon naman ng kandidata ng Amerika, “I would just say that…I know that as Miss USA I can always spread a message of hope and love and peace.
And so, I would do my very best to spread that message to them and everyone else in the world.” Samantala, pagkatapos ng pageant, agad namang nag-post sa kanyang Instagram account si MJ at sinabing proud na proud siya sa naging experience niya sa Miss Universe bilang kandidata ng Pilipinas kasabay ng pasasalamat sa lahat ng mga Pinoy na sumuporta sa kanya.
“I’m so proud to be a Filipino! Man, cant express how grateful I am to everyone! Im filled with love right now! Love you all! Godbless us! Mabuhay!” mensahe ni MJ.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.