CHICAGO — Umiskor si Derrick Rose ng 22 puntos para pamunuan ang Chicago Bulls na tinambakan ang San Antonio Spurs, 104-81, sa kanilang NBA game kahapon.
Nasungkit ng Bulls ang kinakailangang panalo matapos matalo sa anim sa kanilang walong laro at pagpapalasap sa defending champions ng pinakamasaklap na kabiguan ngayong season.
Ang Central division leaders ay kumawala sa ikatlong yugto kung saan na-outscore nila ang Spurs, 31-20, at pinutol ang four-game winning streak ng San Antonio.
Si Rose, na pinaringgan ang kanyang koponan matapos na matalo sa Cleveland Cavaliers, ay bumira ng 9 of 16 tira at pinamunuan ang anim na Bulls na umiskor ng double figures.
Si Pau Gasol ay nagdagdag ng 12 puntos at 17 rebounds matapos na iboto sa kanyang ikalimang All-Star Game at kauna-unahan bilang starter.
Si Kawhi Leonard ay gumawa ng 16 puntos para sa Spurs.
JAZZ 101, BUCKS 99
Sa Milwaukee, ginawa ni Gordon Hayward ang 13 sa kanyang game-high 24 puntos sa ikaapat na yugto para sa Utah Jazz na naungusan ang Milwaukee Bucks.
Nagawang makontrol ng Jazz ang laro matapos ang 15-3 run at kunin ang 101-92 kalamangan mula sa dalawang free throws ni Hayward may 2:35 ang nalalabi subalit rumatsada ang Bucks para idikit ang iskor mula sa 3-pointer ni Jared Dudley may 1:29 na lang ang natitira sa laro.
Sinayang naman ng Bucks ang pagkakataong itabla ang laro matapos na sumablay sina Brandon Knight at Zaza Pachulia bago tumunog ang buzzer.
CELTICS 90, TRAIL BLAZERS 89
Sa Portland, Oregon, nagbuslo si Evan Turner ng 3-pointer may 1.9 segundo ang natitira sa laro para tulungan ang Boston Celtics na masilat ang Portland Trail Blazers.
Si Avery Bradley ay umiskor ng 18 puntos para pangunahan ang Celtics, na pinutol ang three-game losing streak. Si Jared Sullinger ay nag-ambag ng 17 puntos at siyam na rebounds.
Si Damian Lillard ay gumawa ng 21 puntos at pitong assists para pamunuan ang Blazers, na natalo sa lima sa kanilang huling anim na laro kung saan nahirapan sila bunga ng mga injuries sa kanilang front line.
Hindi nakasama ng Blazers si three-time All-Star LaMarcus Aldridge na may left thumb injury at nangangailangan ng surgery. Ang 6-foot-11 power forward ay mawawala ng anim hanggang walong linggo.
CLIPPERS 123, NETS 84
Sa Los Angeles, kinamada ni Blake Griffin ang 22 sa kanyang 24 puntos sa first half kung saan nakalamang ang Clippers ng 33 puntos at itinala ng Los Angeles ang pinakamalaking panalo laban sa Brooklyn Nets.
Sina J.J. Redick at Jamal Crawford ay nag-ambag ng tig-17 puntos, si DeAndre Jordan ay gumawa ng 14 puntos at 12 rebounds at si Chris Paul ay nagtala ng season-high 17 assists para sa Clippers, na nagwagi sa siyam sa huling 12 laro at itinala ang ikatlong sunod na panalo.
Ang Nets ay pinangunahan ni Mason Plumlee na gumawa ng 16 puntos. Sina Darius Morris at Jerome Jordan ay nagdagdag ng tig-11 puntos para sa Brooklyn na natalo sa siyam sa 11 laro.
Samantala, tinanghal na top overall vote-getter sa huling resulta ng NBA All-Star Balloting 2015 si Golden State Warriors guard Stephen Curry (1,513,324 boto) matapos niyang maungusan si Cleveland Cavaliers forward LeBron James (1,470,483).
Si Curry ay nag-start din noong isang taon sa NBA All-Star Game.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.