Di ‘malakas’ sa DSWD | Bandera

Di ‘malakas’ sa DSWD

Lito Bautista |January 23,2015
facebook
share this

Di ‘malakas’ sa DSWD

Lito Bautista - January 23, 2015 - 03:00 AM

WORK is the key to a happy life. Look with pity on the millions of people in our country who wake up each morning without certainty of finding food because they don’t have work. These people become victims of desperation and some even resort to crimes to survive.

Ito ang panalangin sa ikatlong araw ng novena kay St. Cajetan, ang patron ng mga naghahanap ng trabaho (kapistahan Agosto 7), ng arawang obrero na walang katiyakan na bukas ay may trabaho pa sila at may kakanin ang pamilya pagsapit ng dilim. Si St. Cajetan ang ikalawang patron na tinatawag ng debotong mga Katoliko, bukod kay San Antonio de Padua, ang worker of miracles.

Ang arawang obrero ay hindi na nagimbal nang mapabalitang nabagsakan ng konkretong pader ang 11 manggagawa sa itinatayong bodega sa Guiguinto, Bulacan. Karamihan sa mga nasawi ay taga-Camarin, Caloocan City, na tulad ng daan-libong arawang obrero sa kalapit na Barangay Bagong Silang, ang pinakamalaking barangay sa buong bansa, ay hindi binigyan ng conditional cash transfer ang mga pamilya dahil hindi sila “malakas” sa DSWD (Department of Social Welfare and Development).

Katulad din sila ng pamilyang pinarangalan ni Pope Francis sa Mall of Asia Arena, na wala ring CCT. Ang pamilyang ito (na taga Phase 8-B, Bagong Silang), ay mas mahirap pa sa daga, at 24 oras na “nangangalakal” ng basura para lamang may makain, at wala ring CCT.

Tulad din sila ng mga dukha sa Bethlemen House of Bread, Hospicio de San Juan de Dios, Tahanang Mapagpala, Emmaus House of Apostolate, Bahay Pangarap, Lingap Bata at Bahay Kalinga, Indigenous People of Dona Remedios Trinidad, Galilee Home, Bethany House, Bukal ng Buhay Bustos at Nazareth Home for Street Children, na tinutulungan ng National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan. Wala ring CCT ang mahihirap na mga ito.

Si Pope Paul VI, noong Nobyembre 1970, ang unang Santo Papa na dumalaw sa Pilipinas. Pinuntahan niya, sa pamamagitan ng pagtulay sa pinagtagpi-tagping tabla’t yero, ang barung-barong ni Carlos Navarro, may asawa’t walong anak, sa Tondo, Maynila. Si Carlos ay pa-extra-extra lang sa isang kompanya ng konstruksyon sa Pandacan, na kanyang nilalakad tuwing umaga, simula alas-3, para makatipid lamang sa pamasahe.

Tulad ng mga biktima ni Yolanda sa Samar at Leyte na pinagkaitan ng tulong ng gobyerno, ng DSWD, natutunton sila ng simbahang Katolika. Gumagamit ng simpleng intelligence network ang simbahan para matunton ang tunay na mahihirap.

Alam ng kapilya at sub-parish ang tunay na mahihirap sa kanilang nasasakupang komunidad. Ito ay iniuulat sa parokya; ang parokya ay nag-uulat sa diocese; ang diocese ay nag-uulat sa archdiocese of Manila, na siyang nag-uulat sa Vatican.

Simpleng intelligence network. Walang pakakasan, walang nilalagpasan, walang iniiwan, walang politika, walang pagnanakaw.

Ang CCT, na tinawag ng mahihirap na “pindot” dahil naka-ATM ito sa National Capital Region, ay mula sa pera ng arawang obrero, ng taumbayan. Kapag ang pindot ay ibinigay sa di tunay na mahirap, pinagnakawan nan g DSWD ang taumbayan.

Huwag kang magnakaw. Iyan ang ikapitong utos ng Diyos, na iniletra sa mga t-shirt at isinuot namin sa buong Simbang Gabi at sa pagdalaw ni Pope Francis, at isusuot pa rin sa Linggo, ang kapistahan ni Santo Nino sa Diocese of Novaliches. Nakatutuwang naka-ismid ang mga politikong nasasalubong namin sa simbahan habang suot ang puting t-shirt ng “Huwag kang magnakaw.”

Ang paglaban sa pagnanakaw, sa katiwalian, ay nasa puso at hindi sa isipan. Ito ang ipinakita ni Pope Francis sa unang linggo ng kanyang panunungkulan bilang Santo Padre.

Agad niyang inalis sa bangko ng Vatican ang mga cardinal na tiwali, pati na ang pagpapahinto sa pagbibigay ng bonus sa mga ito. Ipinalit ni Pope Francis ang mga taga-labas, ang mga dalubhasa sa pagbabangko at biglang nakabangon ang pananalapi ng Vatican.

Kayang-kayang gawin ng butihing anak nina Ninoy at Cory ang pagpapahinto sa pagnanakaw. Kayang-kayang burahin ang korapsyon, pero wala nga ito sa puso ng Ikalawang Aquino.

Nang suhulan ang mga senador para patalsikin si Renato Corona at mga kongresista para isulong ang RH bill, pinagnakawan na naman ang taumbayan. Pera ng arawang obrero, ng mahihirap ang ginamit rito.

At muli na naman itong ginawa sa mga pasahero ng MRT at LRT. Kanino mapupunta ang dagdag-singil sa pasahe? Na naman, sa bulsa ng magnanakaw.

Sino naman ang susunod na pagnanakawanan? Ikaw at ako. Hindi na nga sinusunod ang ikapitong utos ng Diyos.

MULA sa bayan (0906-5709843): Para kay …0871, anong klaseng sekta ka kaanib? Tutukan mo ang sekta mo at huwag mo kaming pakialaman. E anu kung di kayo nakikiisa sa pagdalaw ni Pope? …2494

Ginagawa naman ang tulay na nasira ng bagyong Ruby dito sa Samar. Pero, bakit hindi ito natatapos? …9076

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sana huwag tigilan ng DTI ang raid sa mga motorcycle shops sa 10th ave., Caloocan. Marami na naman ang pekeng mga piyesa. May smuggling dito dahil napakarami ng mga Made in China. …6221

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending