Raymart nagsumbong sa korte, matagal nang walang kontak sa 2 anak
NAGSUMBONG pala si Raymart Santiago sa korte nang hindi niya makasama ang dalawang anak noong nakaraang Pasko at Bagong Taon. Nakaplano na pala ang pagkikita nila nina Sabina at Santino pero sa hindi raw malamang kadahilanan ay hindi ito natuloy kaya sobra ang kalungkutan niya noong nagdaang holiday season.
Ayon sa leading man ni Jennylyn Mercado sa GMA TeleBabad series na Second Chances, dinalaw na lang daw niya ang kanyang mga kapatid noong Christmas at New Year.
“Twenty-four (December) du’n ako kina Randy, 25 du’n sa brother ko, kina Junjun. May schedule nga sana ako sa anak ko, e hindi natuloy. Hindi ko alam kung bakit,” paliwanag ni Raymart.
Inamin ng Kapuso actor na sumama nang todo ang loob niya dahil dito, “Of course!” Ipinaalam na raw niya ito sa kanyang abogado at sa korte na dumidinig sa mga kaso nila ng nakahiwalay na asawa na si Claudine Barretto, “Yes.
Palagi naman, e. Inaano ko naman, ipinaalam ko naman sa court yung nangyari. At yan nga ang isa sa mga hiling ni Raymart ngayong 2015, “Well sa pamilya ko, sana makasama ko na.”
Hindi pa nagsasalita si Claudine tungkol sa isyung ito kaya siya na naman ang sinisisi ng netizens. May mga nagsabi pa nga na kaya raw patuloy na minamalas si Claudine ay dahil sa ginagawa nitong pagdadamot kay Raymart na makasama naman nito ang kanyang mga anak.
Natanong din si Raymart sa nakaraang presscon ng Second Chances kung meron ba siyang New Year’s resolution o gustong baguhin sa buhay niya? “Parang sa akin ano e, enjoy-in ko lang yung buhay ko.
Iyon yung na-realize ko nito lang kasi yung classmate ng kapatid ko, namatay, 44 years old. “Na parang ako, enjoy-in ko na lang ang buhay ko. Mahalin ko ang sarili ko, life is short. Oo, e.
Hindi mo alam kung kailan ka babaligtad. Iyon, pumunta lang sa ospital, ang bilis! Kaya iyon, pasayahin mo na lang ang mga tao sa paligid mo.
“Masarap kasing mabuhay na wala kang sinasagasaan. Makikita mo naman iyon pag patay ka na, ‘Ang bait nito!’ Yung mga memories na, ‘Ah ganun siya!’ So naisip ko na dapat enjoy-in ko lahat, lahat ng tao, kailangan wala kang kaaway,” paliwanag pa ng Kapuso leading man.
Samantala, marami na ang naaadik sa serye nila ni Jennylyn na Second Chances kung saan kasama rin nila sina Camille Prats at Rafael Rosell.
Ibang-ibang Raymart Santiago naman daw ang napapanood ng viewers, mas malalim at mas nakaka-relate ang madlang pipol. Naniniwala kami na mas mature at mas natural na ang akting ni Raymart dahil sa dami na ng kanyang pinagdaanan.
“Well, siguro du’n sa pinagdaanan ko rin. Hindi ko naman maipagkakaila na mabigat din talaga ang pinagdaanan ko,” chika ng aktor. Kitang-kita rin ng manonood ang magandang katawan niya ngayon, may nabasa nga kami na mas naging yummy daw siya sa paningin ng mga girls at matrona.
Ano ba ang ginawa niya para maging hunk ang dating niya ngayon? “Gym, of course, mga three, four times a week. Dati every day, six times, mga two hours or less. Hindi puwedeng bugbog na bugbog.
Yung diet, medyo strict noon. Pero ngayon nagpapa-gain ako. Ganu’n kasi, palaki tapos magpapaliit, ganu’n talaga yung diet. Kailangan mong lumaki para kung anong muscle ang gusto mo,” aniya pa.
Samantala, ngayong linggo sa Second Chances sa GMA TeleBabad, maaaksidente ang anak ni Bernard (Raymart) habang naglalaro sa park, isusugod ito sa ospital.
Susugurin din ni Lyra (Jennylyn) si Bernard at pagsasabihan dahil nagiging pabayang ama na siya. Dahil dito, magkakaroon ng matinding away ang dalawa.
Mapagkakamalan namang kidnapper ng bata si Rebecca (Camille) nang bigla na lang niyang kunin ang isang baby na nakita niya sa kalye. Ipadadampot siya sa mga pulis.
Masa-shock na lang ang kanyang amang si Federico (Roi Vinzon) na wala na itong malay sa kwarto matapos maglaslas ng pulso.
Gagawin naman ni Jerome (Rafael) ang lahat para makuha ang loob ni Lyra kahit na maging kontrabida siya sa buhay ng dalaga at ni Bernard.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.