Sorry na lang Anthony Taberna: Wala nang bawian sa Best Actor Award ni Derek
Pagkatapos ng bagyo, muling sisikat ang araw, magiging maaliwalas uli ang kapaligiran. Ganu’n mismo ang nangyari kay Derek Ramsay na binagyo ang personal na buhay nu’ng mga nakaraang buwan, pero ngayon naman ay pinasaya ng kapalaran, maganda na ang tinatahak ng kanyang career sa TV5 ay tinanghal pa siyang best actor sa MMFF.
Sa ayaw at sa gusto ni Anthony Taberna at ng mga kapanalig nito ay wala na silang magagawa, kay Derek ipinagkaloob ng mga jurors ang parangal, wala nang bawian ‘yun para lang sila mapagbigyan.
Walang katotohanan ang mga lumulutang na balita na babalik na si Derek sa ABS-CBN, isang malaking kalokohan ‘yun, kung mga taga-Dos man ang nagpasimuno sa kuwento ay ang mga sarili mismo nila ang kanilang niloloko.
Magaganda ang shows na gagawin sa taong ito ni Derek sa TV5, may game show, may sitcom at siyempre’y hindi mawawala ang tatak ng aktor bilang timon ng mga programang katulad ng The Amazing Race Philippines.
Pinagmumukha naman ng iba si Derek na sabik na sabik na makabalik sa Dos, samantalang napakaganda ng daloy ng kanyang karera sa TV5, agaran ba namang makakalimutan ng hunk actor ang pambebengga sa kanya ng Dos na kahit kasama siya sa isang pelikulang ipino-promote sa istasyon ay bawal banggitin ang kanyang pangalan at ipinabubura pa nga ang kanyang mukha sa poster ng pelikula?
Puwedeng gumawa ng pelikula si Derek Ramsay sa Star Cinema, lalo na kung may ibang kasosyo para sa proyekto, pero ang magpaka-trying hard siyang makabalik sa ABS-CBN ay kalabisan na.
Tantanan na ang mali-maling kuwento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.