Bandera Throwback 2014: Kasalan at kamatayan
MAGKAHALONG saya at lungkot pa rin ang hatid ng 2014 sa industriya ng telebisyon at pelikula. Kung may mga nagwagi at nagtagumpay, meron din namang mga nadapa at umuwing luhaan.
Maituturing na wedding season ang Year of the Horse para sa entertainment industry. Sunud-sunod ang naganap na proposal sa taong ito na nauwi nga sa kasalan.
At hahabol pa sa listahan ang Dec. 30 wedding ng GMA Primetime King & Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Pero hindi pa rin maiiwasan ang pagdating ng malulungkot na balita – lalo na ang pagpanaw ng ilan sa kilalang showbiz personalities.
10 WEDDINGS AND 3 FUNERALS
Tatlong maituturing na haligi ng entertainment industry ang namaalam ngayong taon. Sa pagpasok pa lang ng Enero (January 24) ay ginulat na agad tayo ng pagpanaw ng 83-year-old Kwarto O Kahon host na si Pepe Pimentel.
Natagpuang walang malay ang actor-TV host ng kanyang misis sa loob ng kanilang banyo. Ayon sa ulat, inatake sa puso si Pepe habang nasa loob ng CR at nabagok ang ulo sa semento.
Sumunod namang namaalam ang award-winning actor na si Mark Gil noong Sept. 1 matapos ang halos dalawang taong pakikipaglaban sa liver cirrhosis. Itinago ng pamilya ni Mark sa publiko ang kanyang kundisyon dahil na rin sa kahilingan nito.
Noong Oct. 2 naman sumakabilang-buhay ang beteranang komedyana na si Tia Pusit, 66. Ilang linggong naka-confine ang veteran actress sa Philippine Heart Center dahil sa sakit sa puso. Ilang linggo matapos ang isinagawang double bypass surgery kay Tia Pusit, tuluyan na rin siyang namaalam.
SAMPUNG showbiz couple naman ang nag-level up ang relasyon matapos magdesisyong magpatali na sa isa’t isa. Pero ang ilan sa kanila ay tila nagdamot sa publiko dahil mas ginusto nilang ilihim sa takot na maging “circus” ang kanilang wedding.
Nagpakasal sina Drew Arellano at Iya Villania noong Jan. 31 sa isang private ceremony sa Tagaytay City. Noong March 21 naman nagpakasal sina Yael Yuzon at Karylle. Isang intimate wedding din ang naganap sa San Antonio de Padua church sa Silang, Cavite.
Isang taon tumagal ang relasyon nina Jericho Rosales at Kim Jones bago sila nagpakasal noong May 1 sa pamamagitan ng isang bonggang beach wedding sa Boracay.
Huli man daw at magaling ay naihahabol din. Swak na swak ang kasabihang ‘yan kina King Rodrigo at Boots Anson Roa na ikinasal naman noong June 14 sa Archbishop’s Palace – 75 na ang groom habang 69 ang bride.
Matapos ma-annul ang kasal sa dating singer na si Brix Ferraris muling nagpakasal si Amy Perez sa longtime partner niyang si Carlo Castillo noong Nov. 12 sa Mango Farm sa Antipolo City.
Isang taon ding tumagal ang engagement nina Joross Gamboa at Katz Saga bago sila ikinasal noong Nov. 29 sa Fernbrook Gardens sa Alabang. Limang taon naman silang naging magkasintahan.
Kung naging maingay ang pagpo-propose ni JC Intal kay Bianca Gonzalez sa airport, naging tahimik naman ang kanilang pagpapakasal noong Dec. 4 sa El Nido, Palawan.
Inilihim talaga nila ang ginanap na beach wedding sa publiko para masigurong magiging tahimik at intimate ito. Naging kontrobersiyal naman ang kasal nina Aiza Seguerra at Liza Diño sa San Francisco, California, noong Dec. 9.
Hati kasi ang pananaw ng mga Pinoy sa issue ng same sex marriage. Pati nga si Q.C. Mayor Herbert Bautista ay napagalitan ng Simbahan dahil sa pagsuporta niya sa kasal nina Aiza at Liza.
Nauwi rin sa pag-iisang dibdib ang relasyon nina Chito Miranda at Neri Naig. Ikinasal sila nito lang Dec. 13 at 14. Dalawang beses silang nagpakasal – una sa isang civil ceremony na sinundan ng isang garden wedding kinabukasan.
Nauna rito, matapos ngang masangkot sa isang sex video scandal ang dalawa, siniguro ni Chito na si Neri na ang babaeng pakakasalan niya. At tinupad naman niya ang kanyang pangako sa aktres.
Sey naman ni Neri, limang anak ang gusto niya, pero tumawad ang singer, kung pwede raw tatlo na lang. Huling pasabog naman ng 2014 ang engrandeng kasal ng GMA Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Dec. 30 sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Q.C.
Susundan ito ng napakalaking reception sa SM Mall of Asia Arena. Ilan pa sa mga kilalang celebrities na nag-propose sa kanilang mga karelasyon nitong 2014 ay si Sen. Chiz Escudero na ikakasal sa February, 2015 kay Heart Evangelista; si John Prats na ikakasal na rin kay Isabel Oli next year; ang musician na si Yan Asuncion na ikakasal na rin kay Yeng Constantino sa February 14, 2015.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.