Binay vs 3 brodkaster | Bandera

Binay vs 3 brodkaster

Lito Bautista - December 19, 2014 - 03:00 AM

ISANG buwan na ang nakalilipas nang i-Bandera ko ang tatlong brodkaster na maaaring sampahan ng libelo ni Jejomar Binay dahil tinawag nila ito, nang tuwiran at walang kagatul-gatol, na “magnanakaw.”  Libel per se iyan at hindi na kailangan ang mahabang paglilitis para igawad ng hukuman ang desisyon pabor sa nagrereklamo.

Ngayong linggo ay tinuran na ni Binay ang mga brodkaster, bagaman di muna niya tinukoy kung sinu-sino ang mga ito.  Sa aking pagkakaalam, ang isa riyan ay convicted maligner, na ngayon ay naglilinis-linisan.

Ngayon ay malinaw na ang nilalaman ng hinimay na recording.  Dalawa sa isang network at isa sa isang network.  At dahil sa libel per se, maaaring hindi isama ang mga network sa criminal prosecution.

Teka.  Hindi ko pinapanigan si Binay.  Pagkatapos ng 89 kasong libelo, sa 40 taon ko bilang peryodista, alam ko na ang hirap ng paglilitis ng libelo.  At hindi pa ako convicted maligner, ni minsan.

Bagaman nagmula kami ni Rene Saguisag sa Bundok, o ang Makati Elementary School sa Barrio Poblacion, hindi ko personal na kilala si Binay.  Dalawa ang aking idolong mayor ng Makati: Maximo D. Estrella (ang nagpasemento sa lahat ng kalye sa Makati dahil ayaw niyang gumasta ng dolyar at payamanin ang dayuhan kung tatangkilikin ang aspalto) at Nemesio Yabut, na dating sorbetero at natutulog kapag tanghali sa silong ng bahay namin bunsod ng labis na pagod sa paglalako.

Sa pagkakaalam ng mga taga-kalye A. Bonifacio, hindi malinis si Binay, ang ama.  Pero, tulad ng mga pukol kay alkalde Villena noon, kailangang korte ang magpasya at humatol kay Binay, at hindi ang Tres Musketeros na pinasusuweldo ng taumbayan.

Ayaw kong maniwalang nagmamagaling lang si Leila de Lima nang i-Bandera niya ang karangyaan ng pamumuhay ng milyonaryo o bilyonaryong mga presong droga sa Munti.  Dahil sa panahon pa lamang ni Vicente Raval, bilang hepe sa Munti, ay maaaring wala pa sa sirkulasyon si De Lima, na may sariling “jurisprudence” na pinairal kontra Gloria Arroyo, ang dati niyang bosing.

Si Vicente Raval, na hinirang ni Ferdinand Marcos, ang pinaka-“tigas” na hepe ng Bilibid.  Bago pumutok ang araw ay bilang ni Raval ang mga preso, at bago lumubog ang araw ay bibilangin na naman niya ang mga kondenado.  Eksakto kon numero y selda.

Masarap at mahimbing kung matulog si Raval nang magretiro sa militar.  Pero hindi siya pabaya sa tungkulin at mas lalong hindi siya tumatanggap ng suhol mula sa mayores ng mga gang.

May mga ka-tropa si Franklin Bucayo sa Central Police District noon at karamihan sa kanila ay retirado na at may kanya-kanyang hanapbuhay sa Daly City, California, USA.  Anila, nakisama lang ang kanilang ka-tropa sa tropang bilibid.

Sa unang ratsada ay “isinusulat” ang script na hindi sasabit si Bucayo at magiging bida si De Lima, na tatakbo raw na senador sa 2016. “Pogi points” para kay De Lima at “sabit points” para kay Bucayo, kapag inilaglag na siya ng Malacanang.

Pinuri pa ng ilang senador si De Lima, bagaman napakaaga naman.  Ganyan talaga ang sipsipan sa politika, at biglang ilalaglag kapag magiging talunan naman.

Ito namang si Miriam Santiago, sumakay naman sa alingasaw ng Bilibid.  Ibig niyang singilin ng “renta” ang mga kondenado.

Aba’y magbabayad agad ang mga kondenado sa droga.  Bayad lang pala ang hangad ni Santiago, umaapaw ang pera ng mga kondenado sa droga at mga politiko’t mambabatas na protektor ng bisyo, di ba Rose Bud?

Pero hindi renta ang punto rito.  Pagkatapos ng termino ni Raval ay nagsimula nang “gumanda” ang buhay ng mayayaman at malalakas na kondenado.  Ang mayor mula sa maliit na bayan ay maganda ang buhay dahil sa pera.

Mas lalong marangya ang pamumuhay ng mga presong droga dahil “sky is the limit” kung pera ang hihinging kapalit ng mga opisyal ng Bilibid.  Kaya hindi maaaring magmaang-maangan si Bucayu na wala siyang alam sa mga condo-kubol at dinatnan na lang niya.

Kung tunay na lilinisin ni De Lima ang Bilibid, i-Bandera rin niya ang mga opisyal ng DOJ na namantikaan ng mga drug lord.  Madali naman ito dahil iilan lang naman ang namantikaan.

Sa Mindanao, lalo na sa ARMM, ay hindi na kailangang i-memorize ang operasyon, benepisyo at malaking kita mula sa bawal na droga.  Ang perang pinagbentahan ng droga ay ibinibili ng malalakas na armas.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

MULA sa bayan (0906-5709843):  Dito sa Mlang, ang bus bombing ay dahil hindi nakakolekta ng pera.  Pero, pag binasa mo ang mga dyaryo rito na galling Manila, inaalam pa raw kung extortion.  Kailan kaya mawawala ang extortion?  Ang kailangan ng Mlang ay isang simbagsik ni Digong Duterte. …4146

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending