Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. Alaska Milk vs Rain or Shine
PIPILITIN ng Rain or Shine na maipagpatuloy ang dominasyon nito sa Alaska Milk sa simula ng kanilang best-of-seven semifinals series sa PBA Philippine Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Elasto Painters ay may seven-game winning streak at nakakuha ng automatic semifinals ticket. Kasama sa streak na iyon ang 98-95 panalo kontra sa Aces noong Disyembre 5.
Nagmimistulang suki ng Rain or Shine ang Alaska Milk dahil sa tinalo nito ang Aces ng 51 puntos sa nakaraang Governors’ Cup. Sa torneong iyon ay ginapi ng Elasto Painters ang Aces sa semifinals.
Nagtabla ang Rain or Shine at San Miguel Beer sa kartang 9-2 sa pagtatapos ng elims subalit nakuha ng Beermen ang No. 1 seeding bunga ng winner-over-the-other rule. Tumersera ang Alaska Milk at nangailangang magwagi kontra sa NLEX at Meralco sa quarterfinals upang umusad sa semis.
Sa kanilang pagkikita sa elims ay nakalamang ang Aces ng anim na puntos, 91-85, papasok sa endgame subalit nabigong mapangalagaan ang bentahe.
Nakaremate ang Elasto Painters at nakahanap ng bayani sa katauhan ng rookie na si Jericho Cruz na nag-follow up ng mintis na free throw ni Jeff Chan at umiskor sa isang fastbreak layup upang makalamang ang Rain or Shine.
Si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao ay patuloy na sasandig sa mga Asian Gamers na sina Paul Lee, Gabe Norwood at Chan na sinusuportahan nina Beau Belga, JR Quinahan at Ryan Araña.
Ang Alaska Milk, na naigiya ni coach Alex Compton sa semifinals sa ikalawang sunod na conference, ay pinangungunahan ni Calvin Abueva.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.